SA una at huling pagkakataon, ngayon ko lang pangangahasang banggitin ang literary phrase na ‘triyanggulo ng buhay ko’ na ikinapit sa pangalang Rodolfo S. Salandanan (RSS). Ang naturang pariralang pampanitikan ang katuparan ng mga pakikipagsapalaran ni Utol, ang nakagawian naming itawag sa kanya; ito ang kumakatawan sa matagumpay na tatsulok ng kanyang buhay—literatura, peryodismo at pulitika—na ayaw niyang paulit-ulit naming binabanggit. Lagi niyang sinasabi na ang katotohanang ito ay isa nang bukas na aklat sa aming lahat noon pa mang siya ay nabubuhay. Yumao si Utol noong Sabado, Abril 30.

Nakaukit na sa kasaysayan ang pangalan ni Utol bilang isang magaling na manunulat. Hindi na mabilang ang nasulat niyang tula, lathalain, maikling kuwento, at nobela. Bilang dating editor-in-chief ng Liwayway, ang nangungunang Tagalog magazine na inilalathala ng Manila Bulletin Publishing Co., marami siyang isinulat na nobela na ang karamihan ay isinapelikula. Dalubhasa siya sa prose o tuluyan at illustrated o komiks writing.

Naging bahagi si Utol ng lupon ng mga editor na nagpaangat sa Liwayway bilang natatanging babasahin; sanggunian ng mga estudyante at guro at itinuring na bibliya ng mga mahilig magbasa ng mga sulating Filipino. Naging palihan ito ng mga kabataang manunulat na ang karamihan ay kinilalang mahuhusay na kuwentista, nobelista at makata.

Sa larangan ng peryodismong Pilipino, hindi matatawaran ang kakayahan ni Utol. Naging editor siya ng pahayagang ito (Balita) sa loob ng maraming taon. Kahalubilo naman niya rito ang mga peryodista sa halip na literary writers.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naging hagdan niya ito upang lalong makilala bilang isang mamamahayag. Katunayan, maraming beses siyang nahalal na director ng National Press Club (NPC) at naging haligi ng iba’t ibang mahahalagang komite, hanggang sa siya ay magretiro.

Kahanga-hanga rin ang kanyang pagiging isang pulitiko—isang misyon na naisabay niya bilang isang manunulat at peryodista. Nahalal siya bilang Bise Alkalde ng kanyang bayan, ang Abucay, Bataan. Nanungkulan din siya bilang bokal o board member ng naturang lalawigan sa loob ng anim na taon. Mula noon, palagi na lamang siyang nagiging sanggunian ng mga bagong pulitiko, hanggang sa kanyang kamatayan.

Isang mataos na pakikidalamhati ang ipinaaabot ko sa iyong mga mahal sa buhay. Nakikiramay rin sina Bert, Clemen, Ric at iba pang mga kapatid natin sa propesyon. (Celo Lagmay)