NAPAKALAKING isyu ang lumabas ngayon laban kay presidential candidate Mayor Duterte. Ayon kay Sen. Trillanes, kandidato sa pagka-bise presidente, may bank account ang alkalde sa BPI, Julia Vargas, Pasig branch, na naglalaman ng P211 milyon na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN). Noong una, ipinagkaila ito ng kanyang tagapagsalita na si Pete Lavina. Taga-Davao aniya si Mayor, bakit magkakaroon ito ng bank account sa Pasig?
“Non-existent ito.” sabi naman ni Mayor Duterte. Bakit daw siya mag-iisyu ng waiver para maungkat ito, gayong non-existent naman ito? Subalit nang may nagdeposito ng P500 sa bank account sa pangalang Rodrigo Rua Duterte/ Sarah Duterte sa numerong nailathala sa pahayagan dahil sa pagbubunyag ni Trillanes, pumasok ang pera.
Napilitang aminin ni Duterte na buhay ang nasabing bank account, pero hindi P11 million ang nakadeposito rito.
Mayroon din daw siyang bank account sa iba pang mga bangko na ang laman ay P15 at P17. Bahala raw si Trillanes na patunayan na talagang may P11 milyon ang sinabi niyang bank account. “Bakit ako magbibigay ng waiver?” wika niya.
Hindi isyu rito kung ano ang nakadeposito sa bank account na tinuran ni Trillanes. Ang isyu ay bakit hindi niya isiniwalat ito sa kanyang SALN? Mayroon pa siyang inamin na deposito sa iba pang mga bangko, inilabas niya rin ba ang mga ito sa kanyang SALN? Itinatakda ng batas na tungkulin ng lahat ng mga nasa gobyerno na ilabas nila ang kanilang ari-arian sa SALN na taun-taon nilang ginagawa. Kung totoo ang bintang ni Trillanes na hindi idineklara ng alkalde sa kanyang SALN ang kanyang bank account sa BPI, sinuway ni mayor ang batas.
Ang pinakaepektibong paglaban sa krimen, sabi ni vice-presidential candidate Leni Robredo sa debateng naganap sa pagitan nila ng kapwa niya kandidato, ay leadership by example. Ikaw ang unang gumawa sa nais mong ipasunod sa iyong nasasakupan. Naniniwala ako rito. Gusto mong sumunod sa batas ang mga pinamumunuan mo, ikaw ang kailangang maunang makita nila na ginagawa mo ito. Dahil sa ibinunyag na ito ni Trillanes ukol kay mayor, lalong mahirap paniwalaan na masusugpo niya ang krimen sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan kapag nanalo siyang pangulo. Imposibleng mangyari ito lalo na ang katiwalian sa gobyerno dahil gagayahin siya. (Ric Valmonte)