Ni Angie Oredo
Nagpakitang gilas ang magkapatid na Daniella Patrice at Danica Raine Malmis matapos mag-uwi ng gintong medalya sa ginanap na 3rd Philippine Sports Commission All Womens Martial Arts Festival nitong weekend, sa Tiendsesitas, Pasig City.
Unang nagwagi ng ginto ang 10-anyos at incoming Grade 6 sa Kapitbahayan Elementary School sa Navotas City na si Danica Raine sa girls below 30 kgs., habang nagwagi ang mas nakakatanda na si Daniella Patrice sa Pre-Teen Class E category upang makumpleto ang double celebration.
Galing si Danica Raine sa matagumpay na kampanya sa elementary class ng taekwondo 120-125 kgs. Sa katatapos na Palarong Pambansa sa legaspi City, Albay.
Tinalo niya si Harrajie Bayabao ng Kabankalan, Negros Occidental.
Samantala, nakipag-agawan ang University of the East fencers kontra sa miyembro ng pambansang koponan sa gintong medalya sa fencing event.
Dalawang ginto ang inagaw ng UE sa anim na nakataya sa unang araw ng torneo upang makihati sa iniuwi na apat ng mga miyembro ng pambansang koponan sa epee, sabre at foil event.
Unang nagwagi ng ginto para sa Lady Warriors si Jaymi Delos Santos sa women’s Epee. Ang kasanggang si Mira Dorimon ang nag-uwi ng pilak habang tanso si Paulin Bernate ng UST.
Sunod na nagwagi para sa Recto-based team si Eytria Olarte sa foil 13-16 years old. Ikalawa si Nikki Manalastas ng FEU-FERN at tanso kay Anika Abaquin ng UE.
Nagwagi para sa Team Philippines si Justine Tinio sa women’s foil open class laban kay Maricar Matienzo ng UE at bronze medal kay Keren Pangilinan ng RP squad.
Nakabawi si Keren Pangilinan ng Team PHI sa foil collegiate, habang ikalawa si Samatha Kyle Catantan ng UE at si April Ann Ventura na Independent entry ang nag-uwi ng tanso.
Kampeon si Gabriell Estimada ng Team PH sa epee open habang ikalawa ang kasama sa national team na si Hanniel Abella. Ikatlo si Liezel Lopez ng UE.
Huling nagwagi ng ginto si Chichilleyn Del Rosario para sa national squad sa sabre open. Ikalawa si Geisha De Leon ng Team PHI at ikatlo si Kemberly Camahalan ng Team PHI.