ANG napakainit na panahon na ating nararanasan ay ‘tila tinatapatan ng init ng kampanya para sa halalan sa susunod na buwan.
Kung paniniwalaan ang huling survey, nangunguna si Mayor Rodrigo Duterte sa mga kandidato sa pagkapangulo, ngunit ang totoo ay mahigpit pa rin ang laban.
Pabagu-bago ang katayuan ng mga kandidato. Noong una ay nangunguna si Bise Presidente sa kumpetisyon, at may ilang nagsasabi na sa halalan sa 2016 ay mauulit ang pagtutunggali sa pagitan ni Binay at ni Secretary Mar Roxas, na natalo ni Binay noong 2010.
Bumaba ang ranggo ni Binay pagkatapos na paulanan siya ng mga akusasyon tungkol sa katiwalian sa mga pagdinig sa Senado. Pumasok naman sa eksena si Senador Grace Poe, at naagaw ang unang posisyon sa mga kandidato sa pagkapangulo.
Ilang linggo na lang bago ang halalan ngunit wala pa ring malinaw na indikasyon kung sino ang mananalo. Samantala, mapapansin ang pamamayani ng panglalait sa pagitan ng mga kandidato kahit sa mga debate ng Commission on Elections (Comelec). ‘Tila nawawala na ang urbanidad, o ang respeto sa halalan.
Pamilyar ako sa ganitong uri ng pangangampanya, dahil ako man ay nakaranas nito noong 2010. May mga maling paratang na ibinato sa akin ng aking mga katunggali para siraan ang aking pagkatao at ang aking pamilya.
Halimbawa, inakusahan ako na supporter ni dating Pangulong Gloria Arroyo, sa kabila ng katotohanang hindi niya ako naging kapanalig kailanman at ako pa ang nagtaguyod ng mga imbestigasyon laban sa kanya.
Maging ang buhay ng aking pamilya ay kinuwestiyon sa pamamagitan ng pagsasabing hindi kami naging dukha at lumaki ako sa komunidad ng mahihirap.
May magarbong mansiyon daw ako sa Salt Lake City, Utah, ngunit sa simpleng pagsusuri ay nabunyag na isa itong kasinungalingan na ikinalat ng aking mga kalaban sa pulitika.
Sa kabila ng maruming taktika na ginamit laban sa akin, hindi ako kailanman nagsagawa ng black propaganda laban sa sinumang kandidato, kahit nakita kong hindi ako magwawagi sa halalan noong 2010.
Sa mahabang panahon na ginugol ko sa paglilingkod sa bayan, naniniwala ako na ang halalan ay hindi kailangang maging kulapulan ng putik.
Naniniwala ako na ang mga kandidato sa pagkapangulo sa taong ito ay mararangal na tao. Dahil dito, inaasahan ko na ang nalalabing debate bago ang halalan ay matutuon sa kasagutan ng mga kandidato sa mga problema ng bayan sa halip na paninira sa pagitan ng magkakalaban.
Inaasahan ko rin na ang mga kandidato sa pinakamataas ng posisyon sa pamahalaan ay magiging modelo upang ibalik ang respeto sa pulitika.
Ito ang itinuro sa akin ng aking Nanay Curing: laging igalang ang kapwa-tao. Hindi kailangang bastusin o siraan ang ibang tao para lamang isulong ang aking adhikain.
Sa halip na personal na buhay, pag-usapan natin ang mga suliranin ng bansa at ang solusyon na iniaalok ng bawat kandidato. (Manny Villar)