May 14, 2026

Home BALITA Metro

Dalawang ‘new year babies’ double celebration sa isang ospital sa Maynila

Dalawang ‘new year babies’ double celebration sa isang ospital sa Maynila
Photo courtesy: Robert Oswald P. Alfiler/PNA (website)

Naging double celebration ang pagsalubong ng 2026 sa isang ospital sa Maynila, matapos iluwal ng madaling araw ng Enero 1 ang dalawang sanggol. 

Isa sa mga sanggol ay isang malusog na baby boy, na si Baby Yuri, na ipinanganak, saktong pagpatak ng 12 AM. 

Ayon sa ina nitong si Sally Alburo, napawi ang naramdaman niyang matinding sakit mula sa labor at premature delivery nang masilayan ang anak. 

“Masakit po, sobra. Pero non’g lumabas na po, nawala na po [‘yong sanggol], nawala na po ‘yong sakit na nararamdaman ko, naging kapalit po ay saya,” ani Sally sa kaniyang panayam sa media. 

Napawi rin ng sanggol ang pagod at lungkot ng ama na si Ivan Soria, bagama’t nanakawan ito ng kaniyang phone habang naghihintay sa panganganak ng asawa. 

Metro

PBBM, ipinag-utos 3-month suspension sa terminal fees ng PUVs sa PITX

“Ilang araw na kami dito. Kumbaga ang sabi ko nga sa Diyos lagi, ang hinihintay na lang namin yung panganganak niya. Nagulat nga ako eh super, nakakagulat, ang saya ko po ngayon kasi may baby boy na ako. Nagpapasalamat ako sa mga nurse ng Fabella. Totally di ko alam ‘yong masasabi  ko ngayon kasi nanganak na po ‘yon Misis ko,” masayang saad ni Ivan. 

Ang isa namang sanggol ay isang malusog ding baby girl, na si Baby Zamara, na inilabas ilang segundo matapos ni Baby Yuri. 

“Sobrang saya po, speechless. Sana po maging healthy siya hanggang sa paglaki niya,” emosyonal na saad ng first-time mom na si Jenylyn Dalen.

Ayon kay Dr. Luis Legaspi, ang Senior House Officer ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, mas kaunti ang mga pasyente nila ngayong taon.

Kung saan, noong Disyembre 31, nakapagtala lamang sila ng 25 admissions ng kababaihang manganganak, na mababa sa madalas nilang 40 hanggang 50 admissions araw-araw. 

Kumpara ito sa naitalang higit 10,000 bilang ng mga nanganak sa ospital noon sa buong taon lamang ng 2025. 

“We’re still hoping to have a lot of patients since there are still patients who are coming in right now, even though it’s the new year. Equipment is complete and all medicines are also complete here in the hospital.” saad ni Legaspi. 

Sean Antonio/BALITA