DALAWANG matinding epekto ang ibinunga ng implementasyon ng no-contact apprehension sa mga motorista at sa mismong traffic enforcers. Naghatid ito ng “chilling effect” o pagkatigatig sa mga tsuper; may chilling effect din ito sa mga traffic enforcer na wala nang inatupag kundi mangotong sa mga motorista.
Ang naturang kautusan na ipinatupad kamakailan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay kinapapalooban ng paglalagay ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa mga pangunahing lansangan; EDSA, C-5, Commonwealth Ave., Roxas Blvd., E.Rodriguez Ave., at Quezon Ave. Ibig sabihin, ang mga camera ang aantabay upang mahuli ang mga lumalabag sa batas trapiko; padadalhan na lamang ng mga traffic violation notice ang mga tsuper at mga may-ari ng sasakyan sa kanilang tahanan. May mga itinakdang proseso sa pagpapanagot sa anumang paglabag sa mga reglamento.
Upang mapatunayan ang sinasabing “chilling effect” ng naturang kautusan ng MMDA, minsan ko pang pinakiusapan ang tsuper ng aking bayaw na lakbayin ang kahabaan ng EDSA. May pagkabarumbado ang nasabing driver na si Kardo; katunayan, siya ay tinaguriang kolektor ng mga traffic violation receipt sapagkat madalas siyang nahuhuli ng traffic enforcers.
Biglang nagbago si Kardo ng pagmamaneho. Dati, pasingit-singit siya sa yellow lanes at nakikipagsiksikan sa mga sasakyang pampasahero; ngayon, siya ay palagi na lamang nakapirmi sa lane para sa mga pribadong sasakyan. Ingat na ingat sa paglabag sa traffic lights at sa iba pang violations katulad na lamang ng obstruction, over-speeding, illegal over-taking at reckless driving.
Dati, wala siyang kinatatakutang traffic enforcers. Ibig sabihin, eksperto siya sa pakikipagtawaran, wika nga, sa mga kotongero na talaga namang naglipana sa mga lansangan. Ngayon, wala siyang kinatatakutan kundi ang mga CCTV camera na laging nakatutok sa mga lalabag sa batas-trapiko. Siya ngayon ay isang disiplinadong tsuper ng aking bayaw.
Sa kabilang dako, ang nasabing kautusan ng MMDA ay may “chilling effect” din sa mga traffic enforcer nito, at maging sa iba pang alagad ng batas na wala nang pinagkakaabalahan kundi mangulimbat sa mga tsuper. Doble ingat na rin sila sapagkat ang anumang katiwalian at pananamantala sa tungkulin ay hindi makaliligtas sa mga nagkalat na camera.
Itutuon na lamang nila ang sarili sa makabuluhang misyon.
Maliwanag na ang nasabing “chilling effect” ay nagbunga ng disiplina na dapat mamayani sa mga lansangan.
(Celo Lagmay)