QUITO, Ecuador (AP) - Niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang central coast ng Ecuador nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas), at 77 katao ang nasawi at 570 ang nasugatan.

Ayon sa U.S. Geological Survey, ang lindol, na tinatayang pinakamalakas na naranasan sa Ecuador sa nakalipas na mga dekada, ay tumama sa 27 kilometro (16 milya) sa south-southeast ng Muisne, lugar na dinadagsa ng mga turista.

Sinabi ni Vice President Jorge Glas sa isang panayam sa telebisyon na aabot sa 77 katao ang namatay sa mga lungsod ng Manta, Portoviejo at Guayaquil.

Sa social media, ibinahagi ng ilang residente ang mga larawan ng gumuhong bahay, ng nahahating bubong ng isang shopping center, at ng naggagalawang mesa sa palengke. Sa Manta, isinara ng mga opisyal ang paliparan matapos masira ang control tower.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Nanawagan si President Rafael Correa, na nasa Vatican matapos dumalo sa papal conference, na maging matatag habang sinusubaybayan ng awtoridad ang nangyayari.

Nagbabala naman ang Pacific Tsunami Warning Center sa posibilidad na magkaroon ng tsunami waves sa mga pantalan, kaya naman hinimok ni Glas ang mga residente sa lugar na lumikas sa mas mataas na bahagi, gayundin ang malapit sa tinamaan ng lindol.