KUNG patindi nang patindi ang init ng panahon, patuloy din at nasa huling bahagi na ng political campaign ang mga sirkero at payaso sa pulitika na naghahangad maging pangulo, bise presidente, at mga senador ng iniibig nating Pilipinas. Gayundin ang ating mga local candidate. Nasa kasagsagan at walang tigil ang pangangampanya sa iba’t ibang lalawigan at bayan. Kaliwa’t kanan ang mga political rally at motorcade na dinadagsa ng kanilang mga taga-suporta.

Sabay-sabay itinataas ang kanilang mga kamay ng mga panauhing kandidato sa pagkapangulo, bise presidente at mga senador. Sa political rally, nangingibabaw ang kulay ng partido sa pulitika sa suot nilang t-shirt at sumbrero.

Kasabay ng maalinsangang panahon, bahagi na rin ng kampanya ang patutsadahan ng mga sirkero at payaso sa pulitika.

Kapansin-pansin nitong mga nakalipas na araw, nagbatuhan ng putik ang mga naghahangad at nangangarap na manirahan sa Malacañang ng anim na taon. Sa isang political rally ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay tinawag niyang “bayot” si Secretary Mar Roxas na ang kahulugan ay bakla sa salitang Bisaya. Binatikos naman ni Roxas ang pagmamayabang ni Duterte na sa loob ng lima hanggang anim na buwan ay masusugpo niya ang kriminalidad kapag siya ang nahalal na pangulo. Sagot naman ni Duterte, hindi rin magagawa ni Secretary Mar Roxas ang pagsugpo sa kriminalidad sapagkat malambot at hindi makakayang pumtaay ng tao. At ang hindi na malilimot na sinabi ni Mayor Duterte kay Roxas:

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Subukan mo ako. Humawak ka ng shabu sa harap ko, pasasabugin ko ang ulo”.

Sa isang political rally naman ni Vice President Binay ay hindi nakaligtas si Duterte dahil tinawag niyang “pambansang berdugo” si Mayor Duterte.

Sagot at banat naman ni Mayor Duterte, walang moral ascendancy na magsalita tungkol sa pagsugpo sa corruption si VP Binay sapagkat hinahabol umano ito ng mga kaso dahil sa mga nakaw na yaman nito sa Makati. Ayon pa kay Mayor Duterte, kung siya’y isang berdugo, si VP Binay ay berdugo naman ng pera ng Makati. Ang tinutukoy ni Mayor Duterte ay ang pagkuha ng porsiyento ni VP Binay sa mga proyekto sa Makati noong alkalde pa si VP Binay. Sa isa pang batikos ni Mayor Duterte kay VP Binay, sinabi nito na desperado na si VP Binay na manalo sa eleksiyon. Kapag hindi raw nanalo si VP Binay sa halalan ay makukulong ito at ang mga miyembro ng kanyang pamilya.

Maging ang anim na kandidato sa pagka-bise presidente ay hindi rin naiwasang magpatutsadahan at magbatikusan.

Nasaksihan iyon ng ating mga kababayan sa idinaos na debate sa University of Santo Tomas nitong Abril 1. Halos pagtulungang batikusin si Senador Bongbong Marcos sa mga nangyari noong martial law sa panahon ng ama nito na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. (Clemen Bautista)