Kapag nahalal na senador, nais ni Atty. Lorna Kapunan na rebisahin ang mga ipinaiiral na batas sa bansa dahil sa kabila ng napakaraming batas ang naipapasa sa lehislatura, malaki naman ang kakulangan ng gobyerno sa pagpapatupad sa mga ito.

Para kay Kapunan, na kabilang sa senatorial line-up ng Partido Galing at Puso ni Sentor Grace Poe, masyado nang masalimuot ang mga batas na dating simple ngunit nababago dahil sa paggawa ng mga panibagong batas.

“Alam n’yo ang kasalanan ng ating lehislatura, kung minsan dagdag tayo nang dagdag ng batas. Hindi naman natin nire-review. So, ang nangyayari, madami tayong legislation na hindi naman naipapatupad,” sabi ni Kapunan.

“Kagaya na lamang ng Magna Carta for Women, hindi na sapat ang ipinatutupad na alituntunin at regulasyon nito kaya dapat na rebisahin ito ng Kongreso.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Idinagdag pa ng human rights lawyer na dapat ding silipin at busisiin ang Family Code, dahil masyadong malawak ang saklaw nito.

“Higit pa sa Magna Carta for Women, dapat nating tingnan ang basic law na tinatawag nating Family Code. Kasi ‘yung Family Code sa Pilipinas, ‘yun ay para sa pamilya. Hindi lang sa kabataan kundi para sa mga husband and wife.”

Binanggit din niya ang kawalan ng batas sa diborsiyo sa bansa, gayung marami namang mag-asawang Pinoy ang magkahiwalay. Aniya, “dapat na tayong mamulat sa realidad at tanggapin ang katotohanan na panahon nang magkaroon ng diborsiyo sa Pilipinas”. (Beth Camia)