URBIZTONDO, Pangasinan - Matapos na bugbugin at pagbantaan ng mayor ng bayang ito ng buhay ng isang 62-anyos na kawani ng market division ng munisipyo, kinasuhan na ang opisyal at ang tatlong sinasabing kasabwat nito.
Sinampahan na nitong Martes sa Provincial Prosecutor’s Office sa San Carlos City ng attempted murder ay grave threats si Mayor Martin Raul Sison II, ng Barangay Galarin, gayundin sina Cesar Tinyente; Urbano De Vera, kapwa ng Bgy. Poblacion; at Gilbert Aviles, ng Bgy. Angatel, Urbiztondo.
Ayon sa report, dakong 11:30 ng umaga nitong Abril 7 nang gulpihin sa iba’t ibang parte ng katawan si Bernabe Dela Cruz Samson, 62, kawani sa munisipyo ng Urbiztondo, at taga-Bgy. Poblacion, kinuwelyuhan, itinulak at diretsahang pinagsabihang papatayin ni Sison.
Kasama ng alkalde ang tatlo pang akusado nang gawin ang umano’y pambubugbog sa bahay ng mayor.
Bago sinaktan, tinanong umano si Samson ng alkalde kung kanino ito.
Sumagot naman si Samson na mananatili siyang neutral sa pulitika.
Hangad naman ng mga residente na maisalalim ng Commission on Elections (Comelec) sa kontrol nito ang Urbiztondo.
(Liezle Basa Iñigo)