Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng isa pang kaso ng graft and corruption sa Sandiganbayan laban kay Al Vitangcol III, dating general manager ng Metro Rail Transit Authority (MRTA), at kay Wilson De Vera, ng PH Trams kaugnay ng umano’y tangkang extortion ng $30 million sa Czech company na INEKON at sa pagpilit sa huli na pumasok sa joint venture para sa pagmamantine sa MRT-3.
Napatunayan ding nagkasala si Vitangcol sa two counts bawat isa ng grave misconduct, serious dishonesty at unlawful solicitation at iniutos na sibakin sa serbisyo. Gayunman, dahil wala na sa serbisyo si Vitangcol, ang parusang dismissal ay convertible sa multa na katumbas ng isang taon niyang suweldo.
Iniutos din ang habambuhay na pagkakadiskuwalipika sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, pagbawi sa retirement benefits, kanselasyon ng eligibility, at pinagbawalang kumuha ng Civil Service Examination si Vitangcol.
Nabunyag sa imbestigasyon na ang paunang bayad ng INEKON na $30 million, kalaunan ay ibinaba sa $2.5 million, at ang pagpasok sa joint venture ng INEKON kasama ang grupong ipinanukala ni Vitangcol, ay pinatawan ng huli ng pre-conditions sa pakikipagsabwatan kay De Vera, para sa INEKON na igawad ang kontrata upang mag-supply ng karagdagang light rail vehicles (LRV) at maintenance ng MRT3 line kaugnay ng P3.7 bilyon na MRT3 expansion project noong 2012. (Jun Ramirez)