Ladon, kinapos sa gintong medalya; Marcial, Fernandez bigong makahirit sa Rio Olympics.

Sumuntok si Rogen Ladon, ngunit kinulang sa paningin ng mga hurado.

Matikas ang pakikihamok ng Pinoy light flyweight fighter sa kabuuan ng tatlong round, subalit nabigo siyang masungkit ang gintong medalya sa Asia/Oceania Olympic Qualifying Tournament nitong Biyernes ng gabi sa Quian’an, China.

Nakuha lamang ng 24-anyos na si Ladon ang 29-28 bentahe, ngunit pabor ang dalawang hurado sa kanyang karibal na si Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan sa kanilang championship fight.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kabila nito, pasok si Ladon sa boxing competition sa Rio Olympics sa Agosto. Nasiguro niya ito nang magwagi sa semifinal kontra Devendro Singh Laishram ng India via unanimous decision.

Tulad niya, pasok din sa quadrennial meet si Charly Suarez matapos magwagi kay Jun Shan ng China via TKO sa semifinal. Nakatakda siyang lumaban para sa gold medal kontra No.1 seed sa men’s lightweight class na si Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia.

Batay sa format ng torneo, uusad sa Rio Olympics ang mangungunang tatlong boxer sa kani-kanilang division.

Awtomatiko ang fighter sa championship round, habang maglalaban sa box-off ang bronze medal duel.

Kapwa nabigo sina Eumir Felix Marcial at Mario Fernandez na makasama sa Rio Games nang kapusin sa kani-kanilang kampanya sa box-off.

Natalo sa men’s welterweight (69kg) ang No. 1 seed at 22-anyos na si Marcial kontra No.2 seed Tuvshinbat Byamba ng Mongolia, 0-3, habang kinapos si Fernandez sa kanyang laban kay Yeraliyev Kairat ng Kazakshtan, 0-3.

Maliban kina Marcial at Fernandez, nabigo ring makatuntong sa Olympics sina Roldan Boncales Jr sa men’s light flyweight at ang natatanging babaeng kasama sa delegasyon na si Nesthy Petecio.