MAKALIPAS ang ilang araw na nabagabag ang bansa sa posibilidad na maipagpaliban ang eleksiyon sa Mayo 9, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na idaraos ang halalan gaya ng itinakda at makatutupad sa obligasyon na ang bawat botante ay isyuhan ng resibo na nagpapatunay na nakaboto ito.
Nagsagawa ang Korte Suprema ng tatlong oras na oral hearings nitong Huwebes sa motion for reconsideration ng Comelec kaugnay ng desisyon ng korte na mag-imprenta ng resibo para sa mga botante. Nang ihayag ni Comelec Chairman Andres Bautista na maaari pa ring idaos ng komisyon ang eleksiyon sa itinakdang petsa at makapag-iimprenta ng resibo, agad na nagbotohan ang korte at nagkaisang bumoto ang 12 mahistradong naroon na katigan ang nauna nang desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Sinabi ni Chairman Bautista na nasimulan na ng Comelec ang proseso ng pagbili sa 1.1 milyong rolyo ng thermal paper sa halagang P85 milyon. Ang mga voting machine, aniya, ay makakayang mag-imprenta ng resibo, bagamat kakaunti lamang ang impormasyon sa mga ito—ang mga pangalan ng mga ibinoto—nang walang voter’s identification, o numero ng presinto, o hashcode, dahil gugugol ito ng karagdagang oras kung tatampukan pa ng nasabing security features. “Ngayong nakapagdesisyon na ang Korte Suprema, susunod kami at sa simpleng paraan ay makakatupad, at gagawin namin ang aming makakaya upang matiyak na magiging maayos at tapat ang eleksiyon sa Mayo 9,” sabi ni Bautista.
Makatutulong ang pag-iisyu ng sertipikasyon sa pagpapahupa sa suspetsa ng mga nangangambang hindi naire-record ng mga voting machine—partikular na ang Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na ginamit sa dalawang naunang automated election—ang tunay na ibinoto. Sa luma at manu-manong sistema, ang pangalan ng mga nanalo, katapat ang bilang ng mga botong nakuha nila ay nakasulat sa pisara ng silid-aralan upang makita ng lahat. Sa paggamit ng mga PCOS machine, walang nakita sa mga ibinoto.
At ngayong mayroon nang papel na resibo, mas tiwala na ang botante na nabilang ang kanyang boto. Nasimulan na ang paper trail. Maaaring marami pang ibang hakbangin sa proseso ng pagboto na naisasagawa ang pandaraya—sa paglilipat ng resulta sa bawat voting machine, sa pagtaya ng kabuuang bilang ng mga boto sa mga municipal center, at sa pagbibilang sa national center—ngunit sa mismong presinto, makikita mismo ng botante na naitala ang kanyang boto at walang ganito noong 2010 at 2013.
Pinupuri natin ang Korte Suprema sa agaran nitong pagresolba sa usapin, kinailangan lamang ng tatlong oras na oral arguments at isang madaliang botohan. At kapuri-puri rin ang Comelec sa mabilisan ding paghahanap ng mga paraan upang maresolba ang problema. Kahit pa naghain ito ng mosyon, agad naman itong kumilos upang matiyak na maidaraos ang eleksiyon sa Mayo 9 gaya ng itinakda, at alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema.