Nag-recruit ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Maynila ng mga barangay volunteer na magsisilbing secret information officers sa bentahan ng ilegal na droga kaugnay ng pinaigting na kampanya ng siyudad laban sa ipinagbabawal na gamot.
Nasa 3,500 volunteer ng programang “Oplan Lambat Sibat” ang nanumpa sa isang seremonya sa Manila City Hall kamakailan.
Ang mga secret agent, karaniwang kalalakihan at kababaihan, at maging kabataan, ay ni-recruit ng mga chairman sa 896 na barangay sa lungsod.
Sumailalim sa training ang mga volunteer mula sa mga station commander ng 11 himpilan ng Manila Police District (MPD).
“Ang Maynila ay puno ng mga bayani. I really believe this, because your willingness to be volunteers is a genuine mark of heroism,” sinabi ni Mayor Joseph Estrada sa mga barangay volunteer na nanumpa sa seremonya. “Ang inyong panunumpa ay tanda ng inyong kahandaan na makipagtulungan sa ating kapulisan, at maging sa lokal na pamahalaan ng Maynila, para sa ating krusada kontra sa kriminalidad.”
Nilinaw ni MPD Director Rolando Nana na nakasandig ang programa sa “pure volunteerism” at wala pang itinakdang insentibo sa mga barangay secret agent. (Jenny F. Manongdo)