Inilunsad kahapon ng Be Healed Foundation ang “Art Forward Project” upang pabilisin ang paggaling ng mga babaeng drug dependent kasunod ang ulat ng World Health Organization (WHO) na mas madaling tamaan ng depresyon ang kababaihan.
Pinangunahan ni Jerika Ejercito, anak ni Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada, ang nasabing proyekto sa Department of Health-Treatment and Rehabilitation Center (DoH-TRC) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
“Gusto naming mapabilis ang kanilang recovery sa pamamagitan ng sining at inaasahan naming maibalik ang kanilang tiwala sa sarili upang maging handa sila sa pagbabalik sa kanilang pamilya at komunidad,” sabi ni Ejercito.
Taong 2012 itinatag ang Be Healed upang ayudahan ang kababaihang nakaranas ng depresyon at iba pang uri ng psychological issues.
Bukod dito, pinangungunahan din ni Ejercito ang Initiative for Life and Action of Women (ILAW) sa Maynila.
Naging emosyunal si Ejercito sa harap ng mahigit 100 babae sa DoH-TRC nang ibahagi niya ang pinagdaanang depresyon sa kasagsagan ng impeachment trial sa kanyang ama noong 2001, nang nagtungo siya sa London upang makaiwas sa mga isyung kinakaharap ng kanyang pamilya.
Batay sa pag-aaral ng WHO, ang substance abuse ay isa sa mga pangunahing dahilan ng mental illness, tulad ng depresyon, sa Pilipinas na mas nararanasan ng mga babae kumpara sa lalaki.
Lumitaw na sa bawat 100,000 Pilipino, 88 rito ang may karamdaman sa pag-iisip. (Bella Gamotea)