Luol Deng,Doug McDermott

Warriors, walang gurlis; marka ng Bulls, lulupigin.

OAKLAND, California – Wala man si Stephen Curry, may paraan pa rin ang Golden State Warriors para manaig.

Naisalpak ni Draymond Green ang off-balance 3-pointer bago ang buzzer, may 40.2 segundo sa overtime, para palawigin ang bentahe ng Warriors tungo sa 109-105 panalo kontra Atlanta Hawks nitong Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Hindi nakalaro si Curry, reigning MVP at leading scorer ng Warriors, bunsod ng injury sa paa. Ngunit, nabalewala ang sakit na nadarama nang masaksihan ang game-winner ni Green.

Nagawang maisalba ni Andrew Bogut ang bola at naipasa kay Green na bumato ng 3-pointer kahit wala sa porma at sa harap ng depensa ni Kent Bazemore.

Nanguna si Klay Thompson sa Warriors na may 26 na puntos. Ito ang ikalawang sunod na panalo sa overtime ng Golden State para sa ika-43 sunod na home victory sa regular season at ika-25 sunod ngayong season.

Tangan ang 54-4 karta, mapapantayan ng Golden State ang record na 44-game home streak record ng Chicago Bulls noong Marso 30, 1995 hanggang Abril 4, 1996, sa laro ng Warriors kontra Oklahoma City sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Hinahabol din ng Warriors ang 72-10 marka ng Bulls noong 95-96 season.

Nanguna si Paul Millsap sa Hawks sa iskor na 19 na puntos.

MAVS 121, MAGIC 108

Sa Dallas, hataw si Wesley Matthews sa natipang 21 puntos para gabayan ang Mavericks kontra Orlando Magic.

Naitala naman ni Zaza Pachulia ang ika-24 career double-double ngayong season sa iskor na 17 puntos at 10 rebound, habang kumubra si Dirk Nowitzki ng 19 na puntos at may tig-17 puntos sina Chandler Parsons at J.J. Barea para sa ikatlong sunod na panalo ng Dallas.

Nanguna sa Magic si Ersan Ilyasova na may 22 puntos, habang humugot si Nikola Vucevic ng 18 puntos.

HEAT 129, BULLS 111

Sa Miami, nailista ni Joe Johnson ang unang back-to-back win sa kampo ng Heat na nagtala ng fanchise record 67.5 percent shooting. Ratsada si Hassan Whiteside sa career-high 26 na puntos at 14 na rebound sa Heat, habang tumipa si Johnson, na-trade mula sa Brooklyn, sa iskor na 24 puntos.

Nagbalik-aksiyon si Derrick Rose mula sa tatlong larong pagkawala dulot ng injury, sa naitumpok na 17 puntos, ngunit hindi niya nailigtas ang Bulls na nagtamo ng magkasunod na kabiguan para sa ika-17 sa huling 25 laro.

BLAZERS 104, KNICKS 85

Sa New York, tuloy ang hataw ng Portland Trail Blazers para sa labanan sa playoff sa nailistang 104-85 panalo laban sa New York Knicks.

Kumana si Damian Lillard ng 30 puntos, habang umiskor si CJ McCollum ng 25 puntos para sa ikaanim na sunod na panalo ng Blazers sa road game.

Nanguna si Carmelo Anthony sa Knicks sa natipang 23 puntos.