Sa kabila ng bantang impeachment, nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na huwag gamitin ang Voter Verification Paper Audit Trail (VVPAT) o voter’s receipt na feature sa vote counting machine (VCM) na gagamitin sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, masusi nilang pinag-aaralan ang paggamit ng voter’s receipt sa halalan ngunit natukoy ng poll body na mas marami itong disadvantages kaysa advantages.
Aminado naman si Bautista na mas maganda talaga kung may resibo sa pagboto, ngunit iginiit na maaaring magamit ang voter’s receipt sa vote buying o dayaan sa eleksiyon, na talamak sa bansa.
Bukod dito, aniya, madadagdagan pa ng mula lima hanggang pitong oras ang proseso ng botohan, na magreresulta sa paghaba ng pila ng mga botante, at posibleng maging dahilan upang tamarin nang bumoto ang mga ito.
Sinabi pa ni Bautista na hindi na kailangan ang paper audit trail dahil mismong ang Korte Suprema na, aniya, ang nagsabi na magsisilbi na rin namang voter’s receipt ang mga official ballot na nilagdaan ng mga botante.
Sinegundahan naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang desisyon ng Comelec laban sa voter’s receipt.
Ayon kay PPCRV Chairperson Henrietta de Villa, lahat sila sa PPCRV ay hindi sang-ayon na magamit ang voter’s receipt, na para sa kanya ay maaari lang magamit kung naibsan o tuluyan nang natuldukan ang vote buying at vote selling sa bansa.
Una nang nagbanta ang grupong Automated Election System (AES) Watch na ipapa-impeach nito si Bautista at ang mga komisyuner ng Comelec sa pagtangging gumamit ng mga voter’s receipt, gayung nakasaad ito sa Section 7 ng RA 9369 (Automated Election Law).
Kaugnay nito, dumulog na rin sa Korte Suprema ang senatorial candidate na si dating Senador Richard Gordon upang hilingin na atasan ang Comelec na mag-isyu ng resibo sa mga botante sa halalan.
Pinagkokomento na ng Korte Suprema ang Comelec sa petisyon ni Gordon, at binigyan na ng limang araw ang poll body upang magsumite ng komento, ayon kay Atty. Theodore Te, ng Supreme Court Public Information Office.
Kasabay nito, inatasan ng kataas-taasang hukuman ang Clerk of Court na isilbi ngayong araw ang notice of resolution sa Comelec upang makapagdaos ng oral argument at makapagpalabas ng mandatory injunction ang hukuman.
Sa gitna ng lahat ng ito, tiniyak ni Bautista na patuloy na nagsusumikap ang Comelec upang makuha ang tiwala ng mamamayan na magiging tapat at credible ang eleksiyon ngayong taon, kasunod ng natukoy sa huling survey ng Pulse Asia na apat sa 10 Pilipino ang naniniwalang magkakaroon ng dayaan sa halalan.
“Hindi kami bulag sa pananaw ng marami sa Comelec, kaya sinisiguro namin na magbago ng aming mga proseso,” ani Bautista. “Sabi ko nga, hindi namin ikinakaila na ‘yung culture of mistrust, kumbaga lalo na sa Comelec, matagal nang nandiyan ‘yan.”
“We are transparent, efficient and accountable in all our ways. Pero hindi naman po mangyayari ito overnight,” sabi pa ni Santiago. (MARY ANN SANTIAGO at BETH CAMIA)