BINMALEY, Pangasinan – Umaasal sa suporta ng mga lokal na pulitiko, nagpahayag ang kampo ni Vice President Jejomar Binay nitong Miyerkules ng kumpiyansa na makukuha nito ang mayamang boto ng probinsiya sa Mayo 9.
Binanggit ni United Nationalist Alliance (UNA) Spokesman and Provincial Coordinator Mon Ilagan ang suporta ng gubernatorial candidate na si Mark Cojuangco at mga mayor na sina Simplicio Rosario ng Binmaley at Josefina Castañeda ng Lingayen, sa kanyang assessment sa posibleng panalo ni Binay sa mga Pangasinense.
“Unang una ang pagdating namin kanina, sinalubong kaagad si Vice President ni governor at ‘yung punong bayan ng Binmaley at Lingayen. So tanda ito ng pagsuporta kay VP Binay athletes at sa partido UNA,” sabi ni Ilagan sa mga mamamahayag sa isang panayam.
Ang tinutukoy na governor ni Ilagan ay si incumbent Amado Espino, Jr., na nasa huling termino na sa kapitolyo at tinatarget naman ang puwesto sa kamara sa darating na halalan.
Ang Pangasinan ay mayroong 1.8 milyong rehistradong botante, isang mahalagang lugar sa kampanya ng mga pambansang kandidato.
Sa vice presidential race noong 2010, natalo si Binay sa Pangasinan ng 70,000 boto sa karibal nitong si Mar Roxas ng Liberal Party (LP). (Ellson Quismorio)