Dalawang grupo ng Filipino triathletes ang nakatakdang sumailalim sa International High Performance (HP) training camps, ayon sa Triathlon Association of the Phlippines (TRAP).
Ang nasabing pagsasanay na naitakda sa tulong ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee ay inaasahang maghahanda sa mga local triathletes para sa kanilang mga sasalihang kompetisyon lokal man o internasyonal.
Ang unang grupo ay binubuo ng mga kabataan at mga junior triathletes na sasamahan ng mga atletang lumahok sa Youth Olympic Games at Batang Pinoy.
Ang grupo ay kasalukuyang nasa Rayong, Thailand para sa Asian Triathlon Confederation (ASTC) Talent Indentification Camp ni coach Peter Clifford.
Kabilang sa grupo sina 2015 Batang Pinoy Triathlon and Duathlon Gold Medalist Yuan Chionguan at sina Nicole Eijansantos at Una Sibayan.
Nagsisilbi namang headcoach si Kevin Eijansantos.
“The Rayong camp’s objective is to pinpoint athletes from developing countries who have real potential so that Asia can be more competitive in world triathlon,” ayon kay TRAP President Tom Carrasco. (christian jacinto)