Habang nauubos na ang oras para sa mga kumakampanya para mag-qualify sa darating na Rio de Janeiro Olympics na magsisimula sa Agosto 5, kinakailangan na umano ibigay ng ating gobyerno ang lahat ng suporta na kanilang makakaya para sa mga Pilipinong atleta na naghahangad na makasali sa quadrennial games.
Nahaharap ang Pilipinas sa katotohanang makapagpadala ng pinakamaliit na bilang ng qualifiers sa darating na Summer Games dahil tanging ang Olongapo-born hurdler na si Eric Shauwn Cray pa lamang ang opisyal na nag-qualify.
Nakuha ni Cray ang kanyang tiket patungong Brazil matapos na magtala ng tiyempong 49.12 segundo sa 400-meter hurdles noong Mayo 2015 na lagpas sa itinakdang qualifying standard na 49.40 segundo.
Ang weightlifter namang si Hidilyn Diaz ay naghihintay pang opisyal na makamit ang asam niyang slot sa pagsali nito sa idaraos na huling yugto ng Asian Championship sa Uzbekistan sa Abril.
Pasok na sana ang trap shooter na si Hagen Topacio ngunit hindi kinilala ng International Olympic Committee (IOC) ang kanyang mga puntos na nakuha mula sa Asian Shooting Championship na idinaos sa Kuwait matapos na i-withdraw ng IOC ang kanilang “recognition” sa torneo bilang isang opisyal na Olympic qualifier dahil sa “political gaffe” ng “host country”.
Hindi binigyan ng Kuwaiti organizers ng visa ang isang kalahok na Israeli na siyang naging dahilan kaya inalis ng IOC ang kanilang “recognition” sa continental meet.
Kahit dalawang slots pa lamang ang halos nakakasiguro sa kasalukuyan, humiling naman ang Philippine Olympic Committee (POC) sa mga sports officials na makipagsapalaran upang makakuha ng wildcard entry para sa iba pang mga atleta.
Ayon kay Olympic chief of mission Joey Romasanta na siya ring bise presidente ng POC, ang mga atletang nabigong mag-qualify sa mga nalalabing Olympic qualifying tournaments ay maaaring makakuha ng slot sa Rio sa pamamagitan ng universality place o wildcard berths na ibinibigay ng IOC sa mga atletang galing sa mga bansang “under-represented” sa Olympics.
Posible pang mag-qualify sina Miguel Tabuena, Angelo Que at Princess Superal ng golf, Hagen Topacio, Amparo Acuna at Jayson Valdez ng shooting, Marestella Torres at EJ Obiena ng athletics, Mark Anthony Barriga, Rogen Ladon, Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at Irish Magno ng boxing, Pauline Lopez at Sam Morrisson ng taekwondo, Kiyome Watanabe ng judo at Nestor Colonia ng weightlifting sa pamamagitan ng wildcard berths kung hindi sila palarin sa mga sasalihan nilang qualifiers.
“We should give these athletes the chance to gain Olympic slots. Competition has become tougher through the years, but these are some of the youngest and the brightest among our sporting stars. They deserve to compete in the Summer Games and gain experience that would toughen them up in their next try,” ani Escudero.
“We have always supported investments for our youth. These are some of the best and brightest Filipino athletes. The Philippine Sports Commission (PSC) should be in the forefront in supporting them in their Olympic bids,” ayon pa kay Escudero.
Sa nakalipas na apat na Olympics, hindi bumaba sa 10 ang ating mga naipadalang atleta matapos na magkaroon ng 12 Filipino representatives noong 1996 Games sa anim na sports sa Atlanta, 20 sa siyam na sports noong 2000 sa Sydney, 16 sa anim na sports noong 2014 sa Athens at 15 sa walong sports noong 2008 sa Beijing. (Marivic Awitan)