Kahit pa maabot ng marathon champion na si Mary Joy Tabal ang Olympic qualifying standard sa mga sasalihang torneo sa loob o labas man ng bansa, hindi pa rin nito magagawang katawanin ang Pilipinas sa anumang international event kahit na sa 2016 Rio de Janeiro Summer Games.

Ito ang ipinaliwanag ni Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) President Philip Ella Juico hinggil sa pahayag ng kampo ng 26-anyos na Cebuana na nakatakdang lumahok sa gaganapin na 2016 Boston Marathon sa Abril.

“She is not a member of the national team. She resigned and we accepted it. She wanted to join as many races as she can which was not allowed by our national coaches,” sabi ni Juico. “How can she join the Olympics if her time is not endorse and she herself is not recommended by the national association,” sabi pa nito.

Idinagdag pa ni Juico na kailangan din na iendorso ang bawat atletang magkukuwalipika sa Rio Olympics ng namamahalang Philippine Olympic Committee (POC) para sa accreditation at upang mapasama sa opisyal na listahan ng delegasyon ng Pilipinas.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Itinala ni Tabal ang ikatlong sunod na taon na kampeonato ng National Milo Marathon noong Disyembre 6, 2015 sa Angeles City para makuha ang karapatang katawanin ang bansa sa 120th Boston Marathon 2016 sa Abril 18 sa Estados Unidos.

Target sana ni Tabal na makapagkuwalipika sa Olympics sa pamamagitan ng pag-abot sa qualifying time sa kanyang pagtakbo sa Agosto 14 sa Boston Marathon.

Una nang nagwagi si Tabal sa pagwawagi sa isinagawa na side event na half-marathon sa 20th Standard Chartered Hong Kong Marathon 2016 noong Linggo (Enero 17) sa Victoria Park.

Tinahak ni Tabal ang 21-kilometrong karera sa loob ng isang 21 minuto at 41 segundo upang iuwi ang titulo matapos na pumangalawa lamang noong nakaraang taon.

Tinalo nito sina You Ya-jyun ng Chinese Taipei (1:22:46) at Shiho Asada ng Japan (1:24:27). (Angie Oredo)