Matagumpay na napalago ng mga astronaut na sakay ng International Space Station (ISS) ang isang bulaklak sa unang pagkakataon sa labas ng Earth.

Nag-tweet si Scott Kelly ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), ang space agency ng United States, nitong weekend na namukadkad ang zinnia sa microgravity environment ng orbiting laboratory. Sinamahan niya ito ng litrato ng orange na bulaklak na may 13 talulot.

“First ever flower grown in space makes its debut! #SpaceFlower #zinnia #YearInSpace,” sulat ni Kelly, idinagdag na: “Yes, there are other life forms in space!”

Ipinaliwanag sa isang artikulo ng NASA na pinili ang mga zinnia hindi dahil sa kanilang ganda kundi para tulungan ang mga scientist na maintindihan “how plants flower and grow in microgravity.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una rito, iba pang halaman gaya ng wheat at romaine lettuce ang nabuhay sa kalawakan. Nang anihin ang mga lettuce sa space station noong Agosto, pinayagan pa ang mga NASA astronaut na kainin ang bunga ng kanilang pinaghirapan sa unang pagkakataon.

Mas malaking hamon ng pagpapalago sa mga zinnia para sa mga in-orbit gardener kaysa mga gulay gaya ng lettuce.

“The zinnia plant is very different from lettuce,” sabi ni Trent Smith, Veggie project manager ng NASA. “It is more difficult plant to grow.”

Ngunit ayon sa ilan ang sunflower ang unang bulaklak na nabuhay sa kalawakan.

Noong 2012, matagumpay na napalago ng astronaut na si Don Pettit ang zucchini, sunflower at broccoli sa mga zip-lock plastic bag sakay ng ISS bilang personal science experiment. Idinokumento ni Pettit ang buhay ng kanyang “companions” sa isang NASA blog na pinamagatang “Diary of Space Zucchini”.

Gayunman, ang maliliit na tagumpay na ito ay simula pa lamang.

Mas marami pang halaman ang ipadadala sa space station ngayong taon, kabilang na ang Chinese cabbage at romaine lettuce. Sinabi ng NASA na ang mga aral na natutunan sa mga halamang ito ay makatutulong sa pagpapalago ng mga kamatis sa 2018.

Sinabi ni Alexandra Whitmire, deputy scientist ng Behavioral Health and Performance element sa NASA Human Research Program, na ang mga plant experiment ay magbibigay ng mahalagang impormasyon sa paghahanda para sa misyon sa Mars.

(PNA/CNN)