TAUN-TAON, paulit-ulit ang mga pangyayari at kasaysayan: Nasabugan ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Mga namatay dahil sa ligaw na bala o kaya’y atake sa puso sa labis na pagkain ng masasarap, matataba, maaalat at matatamis na nakahain sa hapag-kainan.
Sa kabila ng paalaala ng Department of Health at ng Philippine National Police, patuloy ang pagiging pasaway ng mga tao, karamihan ay bata, sa pagpapaputok ng piccolo. Ang ilang kasapi naman ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines ay nagpapaputok ng baril na ikinasasawi ng mga inosenteng tao. Siyanga pala, ano ang inyong New Year’s Resolution ngayon?
Marahil ay alam na ninyo na may 760 tao na ang nasugatan dahil sa mga paputok. Baka lumaki pa ang bilang na ito kapag nakumpleto ang mga report mula sa DoH at PNP. Talagang hindi na natuto ang mga Pinoy sa disgrasyang dulot ng paputok. Talagang matitigas ang ulo ng ilan nating mga kababayan.
***
Nais ni Pope Francis na wakasan ang “arrogance of the powerful” na nagtataboy sa mahihina at mahihrap sa laylayan ng lipunan at sa “false of neutrality” hinggil sa kaguluhan, kagutuman at persekusyon na nagiging sanhi ng exodus ng mga refugee na walang masilungang tahanan o bayan.
***
Para kay veteran election lawyer Romulo Macalintal, tanging ang mga kandidato na kalaban ni Sen. Grace Poe ang puwedeng humiling sa Comelec na tanggalin ang pangalan niya sa balota. Ayon kay Macalintal, ang mga indibiduwal na naghain ng petisyon na huwag isama ang pangalan nito sa listahan ay walang legal status sapagkat sila ay hindi naman kandidato sa pagkapangulo.
Nosibalasi? Sila ay sina ex-Sen. Francisco Tatad, 2013 defeated senatorial candidate Rizalito David, ex-GSIS Estrella Elamparo, Prof. Antonio Contreras, at ex-UE Dean of Law Amado Valdez. Ano ba ang ipinagpuputok ng butse ninyo?
***
Kapag hindi raw naayos ang Daang Matuwid, este ang mga lansangan at infrastructure, ang buong Metro Manila ay hindi na puwedeng tirahan o pamuhayan sa susunod na apat na taon, dahil sa tindi ng traffic.
Kung ganoon, balik-probinsiya na lang ulit at muling pagsakay sa kalesa/karitela.
Natatandaan ko pa ang pagsakay sa kalesa katabi ang dalagitang nililiyag mula sa baryo patungo sa poblasyon.
(BERT DE GUZMAN)