Matapos patawarin dahil sa pagnanakaw ng kanyang mga damit at sapatos, tinangayan muli ang isang player ng Philippine Basketball Association (PBA) ng umano’y kanyang kasambahay ng mahigit P65,000 cash, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Josh Urbiztondo, 32, point guard ng Barako Bull, at residente ng Barangay San Miguel, Pasig City, na pinatawad na niya sa unang pagkakataon ang kanyang kasambahay na si Gina Bulawin matapos nitong tangayin ang kanyang mga damit at sapatos, ngunit pagbalik niya sa bahay ay nawawala na ang kanyang P65,000 cash na tinangay umano ng suspek sa pag-alis nito upang magbakasyon.
Iniulat ng mga opisyal ng Eastern Police District (EPD) na naaresto si Bulawin sa follow-up operation nitong Lunes.
Ayon kay PO3 Rodelio Olalia, unang pinayagan ni Urbiztondo na makauwi sa probinsiya si Bulawin upang magbakasyon nang dalawang araw noong Disyembre 26.
Nang paalis na sa bahay ng PBA player, napansin ng huli na sobrang laki ng bag na bitbit ni Bulawin kaya nagpasya siyang inspeksyunin ito kaya nadiskubre niya na kasama sa inempake ng kasambahay ang kanyang mga damit at sapatos.
Dahil Pasko, pinatawad ni Urbiztondo si Bulawin at sinermunan sa harap ng mga opisyal ng barangay bago sinibak sa trabaho. Hindi na rin siya naghain ng reklamong kriminal laban kay Bulawin.
Kinabukasan, nabulaga si Urbiztondo nang madiskubre na nawawala na rin ang kanyang $240 at P2,000 cash, mamahaling pabango, at iba pang alahas.
Matapos magsumbong si Urbiztondo sa pulisya, naaresto ang suspek sa Sta. Mesa, Manila noong Lunes, habang nag-a-apply ng trabaho sa isang employment agency. (Betheena Kae Unite)