Ngayong tapos na ang APEC 2015 Leaders’ Summit na lumikha ng matinding TrApec sa maraming lansangan sa Metro Manila at pagsasara sa mga daan, partikular sa paligid ng PICC, CCP Complex, Sofitel Hotel (doon tumuloy si Pres. Obama) at MOA, balik na naman sa normal ang buhay ng mga Pinoy na hindi naman nag-enjoy sa mahabang week-end vacation dahil hindi naman makalabas ng bahay.
Gayunman, tagumpay raw ang pagdaraos ng Apec sa bansa dahil walang nangyaring karahasan o kaguluhan tulad ng naganap na pag-atake ng teroristang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Paris na ikinamatay ng 129 tao at ikinasugat ng 300 iba pa. Nakasulat nga sa BALITA ang ganito: “Matinding traffic, malaking lugi, mababawi sa Apec--- Malacanang”.
Talaga, malaking istorbo sa buhay ng ordinaryong manggagawang Pinoy ang Apec dahil hindi sila sumahod, laluna ang mga arawan; nalugi ng $2 bilyon ang airline industry; lugi rin ang mga kompanya at korporasyon at hindi nakapaghatid ng mga produkto ang cargo trucks ng ilang araw.
Samantala, balik din sa normal na operasyon ang Ninoy Aquino International Airport (Naia). Sana naman ay hindi ang operasyong tanim-bala dahil nagiging kahiya-hiya tayo sa buong daigdig.
Sabi nga ng komentaristang si Jimmy Gil ng DZBB, kapag hindi nasugpo ang TALABA (Tanim-bala-laglag-bala) modus sa paliparan, palitan na lang ang pangalan ng NAIA at gawing Tanim-Bala International Airport (TBIA). Isipin ninyong dahil sa kawalang-hiyaan ng ilang bulok na tauhan ng NAIA, sinisira nila ang buhay at kabuhayan ng mga OFW at dayuhan, gaya ni Gloria Ortinez, na muntik nang mawalan ng trabaho bilang yaya sa Hong Kong, matapos taniman ng bala sa bagahe o shoulder bag.
Nagpahayag ng seryosong pagkabahala ang mga foreign minister ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) tungkol sa konstruksiyon ng China ng mga artificial island sa West Philippine Sea na malapit sa Pilipinas. Dumalo si PNoy sa Asean Summit na ginanap sa Kuala Lumpur na ang host ay si Malaysian Foreign Minister Anifah Aman.
Sa naturang pulong, dumalo rin si US Pres. Barack Obama, 10 lider ng Asean at siyam na world leader upang talakayin ang umiiral na gusot sa South China Sea (West Philippine Sea) pati na ang mga isyu sa kalakalan at terorismo.
Inaangkin kasi ng China ang halos kabuuan ng WPS o SCS dahil ito raw ay kanilang pag-aari sapul pa noong unang panahon.
Iyan ang problema sa isang bansa na dati ay tahimik, walang away, nagsisikap at umuunlad subalit nang sumikad ang ekonomiya at lumakas ang puwersang-militar, ngayon ay nilalamon at inuukopa ang maliliit na bansa gaya ng Pinas at Vietnam upang mapantayan ang US na hanggang ngayon ay nagsosolong superpower sa mundo! (BERT DE GUZMAN)