Mga laro ngayon
San Juan Arena
4pm Philips Gold vs Foton
6 pm Petron vs Cignal
Philips Gold vs Foton; Cignal vs Petron sa pag-aagawan ng slot sa semis.
Magmimistulang giyera ang San Juan Arena ngayong hapon sa matira-matibay na salpukan sa pagitan ng Philips Gold at Foton, gayundin sa Cignal at nagtatanggol na kampeong Petron sa pag-aagawan sa silya sa kampeonato ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix.
Aminado ang apat na coach ng magsasagupang koponan na may giyera ngang magaganap dahil sa isang laro lamang ang magtutulak sa mga ito para makapasok sa semifinals at dalawang koponan lamang para sa best-of-three na kampeonato.
Unang magsasagupa ang nagpakitang gilas na Foton Tornadoes at ang papaangat din na Philips Gold sa ganap na 4:00 ng hapon bago sundan ng Cignal HD Spikers at ang nagpakatatag na dalawang sunod na kampeon na Petron Blaze Spikers sa ganap na 6:00 ng gabi.
“Playing for the semis is a goal every team is gearing to in every tournament. It is the door that will lead you to the finals. Given that opportunity is a blessing. Playing vs Philips Gold for the slot in the finals is a chance laid to us by fate. It created a new perspective in the eyes of the players, analysts, and spectators,” ang pahayag ni Foton coach Villet Ponce de Leon, na asam ang kanyang unang pagtuntong sa finals.
“It somehow gave us an equal footing going into the game today. Considering the way we are performing right now, and seeing PHG’s outing toward the semis, it will all boil down to who wants the WIN more. “Bilog ang bola” as they always says. That is why we are up for the challenge,” sabi pa nito.
“It’s going to be a great match, one for the books,” sabi ni Philips Gold coach Francis Vicente. “Foton is a pretty solid team. They know what it takes to win big games. But that is why we are here as coach, to know the weakness of the opponent and beat them at their weakest point,” sabi pa ni Vicente.
Nagawang okupahan ng Lady Slammers sa tulong ng Amerikano nitong import na sina Bojana Todorovic at Alexis Olgard at solidong suporta ng mga homegrown ang unang puwesto matapos ang dalawang round ng eliminasyon sa paghugot nito ng kabuuang walong panalo sa 10 laro.
Huling binigo ng Lady Slammers ang back-to-back champion na Blaze Spikers, 28-30, 29-27, 25-17 at 25-23, upang ipadama ang kaseryosohan nito na masungkit ang pinakaunang korona sa natatanging liga ng mga club sa bansa.
Hindi rin nakakalimutan ni Vicente ang matinding pagsubok sa pagsagupa nito sa mala tigre lalo na kapag galing sa kabiguan na Tornadoes na huling nagpalasap dito sa apat na set na kabiguan sa kanilang huling salpukan noong Nobyembre 5 sa iskor na 25-14, 25-22, 18-25 at 25-18.
Inaasahan naman na sasandigan ng Petron ang malawak nitong ekspiriyensa sa paglahok sa internasyonal na torneo kontra sa gutom na gutom sa titulo na Cignal na nagpalasap dito ng masaklap na kabiguan sa pinakaunang laban sa kumperensiya at pumutol sa 16 na sunod nitong pagwawagi sapul noong 2014.
“The semifinal is just a single, knockout game. Hindi na mahalaga ang lahat ng pinaghirapan mo sa eliminations. We have to bring our very best and no-sense game if we want to retain the crown,” sabi lamang ni Petron Blaze Spikers coach George Pascua.
Matatandaang ginulantang ng HD Spikers sa pinakaunang laro ng kumperensiya at unang paghaharap sa simula ng torneo ang Blaze Spikers bago na lamang nagawang makapagtala ng limang sunod na panalo ng 2-time champion at huling mabigo sa Lady Slammers.
Asam naman muli ng HD Spikers na makapagtala ng matinding upset sa pilit na pagduplika sa nagawa nito noon na bumangon sa dalawang set na kabiguan bago binigo ang Blaze Spikers, 18-25, 17-25, 25-16, 25-18 at 16-14 sa isa sa klasikong salpukan sa liga noong Oktube 10 sa Alonte Sports Arena sa Binan City.
“Hindi namin ibibigay na lamang basta-basta sa kanila ang silya sa championships. Paghirapan nila,” tanging sinabi lamang ni Cignal HD coach Sammy Acaylar.
Idinagdag naman PSL president Ramon “Tats” Suzara na patuloy na mag-iimplementa ang liga ng matira-matibay na format upang mailabas ang intensidad at paglalaro sa ilalim ng matinding pressure sa tulad na do-or-die semis ang kakayahan ng bawat kalahok.
“We will never stop innovating to make the games faster and more thrilling to the fans,” sabi ni Suzara. ““We have very interesting semis matchup; all these teams are capable of beating one another because the league is so balanced and unpredictable. They all deserve to be the champion. I’m wishing them the best of luck.”