Kung dati ay agad na magpapahayag ng suporta o idedepensa ang Iglesia Ni Cristo (INC) sa mga usaping kinahaharap ng maimpluwensiyang sekta, maraming kongresista ngayon ang tumatangging magkomento kaugnay ng seryosong akusasyon ng krimen na ibinabato sa ilang leader ng INC ng isang dating ministro nito.

Hiningan kahapon ng komento sa usapin ang 96 na kongresista, ngunit tanging apat lang sa kanila, pawang kinatawan ng party-list groups, ang nagpadala ng text message.

Iginiit ng apat ang masusing imbestigasyon sa alegasyon ng kidnapping sa dating INC minister na si Lowell Menorca II.

Limang kongresista ang nagsabing hindi sila magkokomento sa usapin, habang ang iba ay hindi pinansin ang text question o kaya naman ay hindi natanggap ito, kahit pa dalawang beses ipinadala sa kanila, kahapon at noong Linggo.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Hindi pangkaraniwan ito para sa maraming kongresista, na kadalasang agad na naghahayag ng posisyon o nagtatanggol sa relihiyosong sekta, na kilala sa block voting nito.

Nagpahayag kahapon ng pangamba ang INC na posibleng gamitin ng mga pulitiko ang alegasyon ni Menorca sa eleksiyon sa susunod na taon.

Kasabay ng pagtanggi sa mga akusasyon ng dating ministro, sinabi ni Atty. Patricia-Ann Prodigalidad, abogado ng INC, na mas pinangangambahan ng sekta ang posibleng “exploitation of the issue” at ang timing ng mga alegasyon.

“With the elections just six months away, they cannot help but worry that there may be personalities that may politicize this issue given the media coverage it has attracted,” ani Prodigalidad. “All they ask for is a fair shake, that this case be treated just like any other case.”

Kasabay nito, nangako naman si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez, Jr. na pananagutin ang mga pulis na idinadawit sa umano’y pagdukot kay Menorca at sa asawa nito.

Sa isang press conference, sinabi ni Menorca nitong Linggo na dinukot siya at ang kanyang asawa noong Hulyo ng mga pulis, kabilang ang tatlong operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Sorsogon, pinahirapan at ipinapapatay ng mga miyembro umano ng Sanggunian ng INC. (Ben Rosario, Leonardo Postrado at Fer Taboy)