REPATRIATION ● Matindi na ang pambobomba ng Arabian military sa puwersang Yemeni at hindi hihinto ang karahasan hanggang hindi sumusuko ang mga Huthi Shiite rebels, kung kaya pati ang mga kawani ng United Nations ay nagsilikas na. Sapagkat maraming manggagawang Pinoy sa Yemen, iniuumang na ng ating gobyerno ang repatriation ng ating mga kababayan. Maghihintay lamang ng go signal ang Department of Labor and Employment mula sa Departmento of Foreign Affairs upang mailikas ang ating mga kababayan.

Pero gusto ba ng mga OFW na umalis ng Yemen? Anang isang ulat, hindi nagpaparamdam ang mga OFW ng kanilang pagnanais na takasan ang gulo sa Yemen. Gayunman, ipinarating ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz sa mga recruitment agency ng mga OFW sa Yemen ang planong repatriation. Ani Baldoz, nakipagpulong ang Philippine Overseas Employment Administration sa mga recruitment agency upang talakayin ang posibilidad na sagutin nila ang gagastusin sa repatriation ng mga OFW na kanilang ipinadala sa Yemen. Noon pa kasing Pebrero na ipinagbawal na ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Yemen dahil sa matinding kaguluhan. Kawalan ng trabaho rito sa Pilipinas ang dahilan kung bakit mahirap himukin ang ating mga kababayan na pauwiin sila. Mas nanaisin pa nilang tiisin ang kaguluhan sa pag-asang mapapawi rin ito kalaunan kaysa umuwing nakanganga at walang makain, dilat sa gutom at walang pag-asa.

***

ANO’NG SUSUNOD? ● Tulog ang pambato ng Brazil na si William Donaire sa liksi at galing ng ating Nonito Donaire. Sa isang panayam, sinabi ng “The Filipino Flash” na umaasa siyang umakyat sa mas mataas na level ng pakikipagbakbakan – ang world title fight – at nagpahayag pa na nakahanda siyang lumaban sa antas na iyon upang mabawi ang kanyang pagkatalo kay Nicholas Walters. Nais din niyang harapin sa lona sina WBC super bantamweight champion Leo Santa Cruz, at isa pang match kay Guillermo Rigondeaux. Madaling na-TKO ni Donaire si Prado, at sa unang round pa lamang, masasabing malaki ang lamáng ng Filipino Flash. Ang mga galaw at teknikal na kahusayan ni Donaire ay nagsasabing siya ay nasa level ng mga “elitista” sa boxing. Binabati natin ang tagumpay ni Nonito Donaire, na nagdagdag uli ng karangalan sa Pilipinas – ang bayan ng matatapang at magagaling na tulad ng mga OFW sa Yemen na ayaw umuwi.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente