Ni SAMUEL P. MEDENILLA

Aabot sa 20 milyong manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang sumasahod ng mas mababa sa minimum wage na itinakda ng gobyerno.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), na nahihirapan na ang maraming manggagawa na mairaos ang araw-araw nilang gastusin dahil sumasahod sila nang mas mababa sa P293, ang itinakdang minimum wage sa bansa.

Ayon kay Tanjusay, karamihan sa mga nasabing manggagawa ay nasa informal sector.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Ibinatay ni Tanjusay ang kanyang pagtaya sa pag-aaral ng University of the Philippines-UP School of Labor and Industrial Relations (SOLAIR) at 2011 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA)—na dating National Statistics Office (NSO).

Ito ay sinuportahan ng datos ng PSA noong 2014, na lumitaw na tumaas nang 20 porsiyento ang poverty incidence sa bansa mula sa 18.8 porsiyento noong 2013.

“The result also showed incomes of poor families were short by 27 percent of the average poverty threshold of P8,778 per month or P293 per day for a family of five in the first semester of 2014,” pahayag ni Tanjusay.

“This means, on the average, an additional P2,370 was needed by a poor worker and his family with five members in order to move out of poverty,” dagdag niya.

Bunsod nito, umapela ang TUCP kay Pangulong Benigno S. Aquino III na gumawa ng hakbang upang maitaas ang pasahod sa mga manggagawa, partikular sa Metro Manila at sa mga lugar na sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013 bago matapos ang kanyang termino sa 2016.