Upang maiahon sa kahirapan ang mga nasa maralitang komunidad, magtuturo ang mga sundalo ng Philippine Army sa paggamit ng computer sa mga liblib na lugar sa bansa.

Sinabi ni Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., Army Civil Military Operations Group (CMOG) commander, na pinaigting ng hukbo ang educational outreach program nito na inilunsad noong Agosto 2013, na 30 miyembro ng pamilya ng mga sundalo ang nagtapos sa isang-buwang edukasyon sa basic computer literacy at tatlong buwan sa basic consumer electronics repair.

Unang ipinatupad ng Philippine Army ang programa sa gitna at hilagang Luzon na saklaw ng 7th Infantry Division at ngayo’y nakatutok na sa indigenous people (IP) ng Occidental Mindoro na nasa ilalim ng 2nd Infantry Division.

Sinabi ni Burgos na kabilang ang mga Aeta sa Porac, Pampanga sa 187 sumailalim sa educational program na ipinatupad ng Philippine Army at Tuloy Foundation Inc. (TFI), isang non-profit organization na tumutulong sa maralitang kabataan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Aniya, ito na ang ikalawang taon na nagtutulungan ang dalawang grupo base sa Pinoy Batang Bayani Program.

Ayon kay Fr. Marciano “Rocky” Evangelista, pangulo ng TFI, may nagagamit na tatlong mobile computer laboratory ang kabataang nakikibahagi sa programa.

“Through this partnership, I am very optimistic that we will continue to help the deprived individuals to become skilled and productive citizens to contribute further in the development of this nation,” ayon pa kay Evangelista.

Ang dalawang MCL ay kasalukuyang nakatalaga sa Burgos, Tarlac at sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Ang ikatlong MCL ay itatalaga sa Cavinti, Laguna sa mga susunod na araw, ayon pa kay Burgos. - Elena L. Aben