Isang milyon bawat minuto ang kayang gawing pera ni Vice President Jejomar Binay sa pagpapatayo ng isang hotel sa Mt. Makiling, Laguna na pag-aari naman ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) na kanya ring pinamumunuan.
Ayon kay dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, P30 Milyon ang nalikom niya sa utos na rin ni VP Binay sa loob lamang ng 30 minuto mula naman sa mga negosyante na ginamit sa 26th Asia-Pacific Regional Jamboree noong Disyembre 28, 2009 hanggang Enero 3, 2010.
Sa pagdinig sa Senado, hindi naman nagtataka si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa kawalang interes ng pamunuan ng BSP na imbestigahan ang mga transaksyon ni Binahy dahil karamihan sa mga ito ay mga itinalaga niya.
Aniya, paghahanda rin ito ni Binay para walang makagalaw sa kanyang mga desisyon.
“Ako po ang nautusan noon ng aming dating mayor, na ngayon ay Vice President na si Vice President Jejomar Binay. Ang sabi po n’ya sa akin ay ganito: ‘Pare, gusto ko naman ang Boy Scouts ay makapagmalaki. Dito sa Pilipinas gagawin ang Regional Jamboree, gusto kong sa Makiling may nakatayong hotel na tutuluyan ng mga adult scouts,’ ” ayon kay Mercado sa patuloy na pagdinig ng sub committee ng blue ribbon committee.
Sinabi ni Mercado na kasama niya sina Jr Pangilinan, BSP national treasurer at Enrique Lagdameo, ng gawin niya ang solicitation letter para sa mga negosyate sa Makati.