Caluag

Iginiit ni Asian Games gold medal winner Daniel Caluag ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa bawat oras sa buhay ng isang atleta, sa kumpetisyon man o sa pagsasanay.

“Cherish every season, every game, every practice, because everything will soon be over before you realize it,” lahad ng 27-anyos na si Caluag sa kanyang maikling acceptance speech sa katatapos na Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Corp. noong Lunes kung saan siya ang tumanggap ng prestihiyosong Athlete of the Year award.

Si Caluag, na bumiyahe pa mula Kentucky, USA upang personal na tanggapin ang parangal na iginawad sa kanya ng pinakamatandang organisasyon ng media sa bansa sa seremonyang ginanap sa 1Esplanade, ay pinangunahan ang kabuuang 79 personalidad at entities na pinarangalan sa espesyal na gabi na dinaluhan ng pinakamatataas na opisyal ng isports, prominenteng mga atleta at mga espesyal na bisita.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dumalo upang ibigay kay Caluag ang kanyang Athlete of the Year trophy ay sina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Philippine Sports Commission chairman at keynote speaker ng pagtitipon na si Richie Garcia, Philcycling president Cavite Congressman Bambol Tolentino, at PSA president Jun Lomibao ng Business Mirror.

Ang BMX rider, na sinamahan sa event ng kanyang mga kamag-anak mula Nueva Ecija, ang nagbigay ng nag-iisang gintong medalya ng bansa sa Asiad noong nakaraang taon sa Incheon, South Korea.

Kinukunsidera niya ang 2014 bilang isang “eventful year” para sa kanya.

“It was a great year being a new dad, graduating at nursing school, along with the Asian Games gold medal, and to top it off with the Athlete of the Year,” dagdag ni Caluag sa pormal na pagititpon kung saan principal sponsors ang Meralco, Smart, at MVP Sports Foundation habang major sponsor naman ang PSC.

Isa pang highlight ng gabi ang paggagawad ng Lifetime Achievement Award sa 1973 Philippine men’s basketball team.

Ang dating senador na si Robert Jaworski Sr. ang nanguna sa koponan na napanalunan ang Fiba-Asian Men’s Championship 42 taon na ang nakararaan sa Manila. Kasama ni Big J sa entablado ang mga kakamping sina Bogs Adornado, Yoyong Martirez, Manny Paner, Leo Arnaiz (kumatawan sa kapatid na si Francis Arnaiz), Richie Melencio (kumatawan sa yumaong amang si Tembong Melencio) at Joey Campos, bilang representante ni coach Juan Cutillas.

“This group was given an opportunity to show together that we have the best athletes (here in Asia),” ani Jaworski sa kanyang mensahe para sa koponan na iginiya ng yumaong si Valentin ‘Tito’ Eduque at itinaguyod ni Dante Silverio.

Ang buong koponan ng National University, sa pangunguna ni coach Eric Altamirano at school owner Hans Sy, ay dumalo rin upang tanggapin ang President’s Award para sa kanilang pagputol sa 60 taong tagtuyot ng Bulldogs para sa UAAP men’s basketball title.

Si Sy din ang ginawaran ng pagkilala bilang Executive of the Year sa event na suportado rin ng PBA, Maynilad, Accel, Rain or Shine, ICTSI, PCSO, PAGCOR, El Jose Catering, National University, Globalport, Air21, at 1Esplanade.

Ang iba pang special awards na ipinamigay ay kina coach Tim Cone (Excellence In Basketball), Alyssa Valdez (Ms. Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo), Tony Lascuna and Princess Superal (Golfers of the Year), Mitsubishi (Hall of Fame), at MVP Sports Foundation (Sports Patron of the Year).

Si Valdez at Winter Olympic Games bet Michael Christian Martinez ay nanalo rin bilang Princess at Prince of the Night.

Ang reigning UAAP cheerdance competition champion na NU Pep Squad ang nagbigay ng aliw sa dalawang oras na programa kasama ang hosts at sportscasters na si Quinito Henson at Patricia Bermudez-Hizon.