CHICAGO (AP)– Sumiklab si Derrick Rose para sa 30 puntos at ipinatikim ng Chicago Bulls sa Cleveland ang ikalawa lamang nilang pagkabigo sa 16 laro, nang kunin ang 113-98 panalo kahapon.
Nagdagdag si Pau Gasol ng 18 puntos at 10 rebounds. Umiskor si Tony Snell ng 22, at tumulong na ma-offset ang 31 puntos na performance ni LeBron James, at muling nagpadala ng babala ang Bulls na ang kanilang mga paghihirap ay unti-unti nang nawawala.
Nakuha nila ang ikaapat na sunod na panalo matapos matalo sa 10 sa kanilang huling 15 at nagtungo sa All-Star break na may 1 1/2 game lead sa Central Division laban sa Cavaliers.
Lumamang ang Chicago sa kabuuan ng laro laban sa pinakamainit na koponan ng NBA na tuluyang iniwanan sa fourth quarter.
Kapwa wala ang key players ng bawat koponan, si Jimmy Butler ng Chicago na nagpapagaling ng strained right shoulder at si Kevin Love ng Cleveland na nawala dahil sa abrasion sa kanang mata. Ngunit naging sapat ang ginawa ng Bulls upang mangibabaw.
Naging agresibo si Rose mula sa umpisa, umaatake sa rim, at nagtapos na kulang ng dalawang puntos sa kanyang season high.
Ipinoste ni Gasol ang kanyang ika-14 sunod na double-double, ang pinakamahabang streak ng isang manlalaro ng Bulls mula sa 15-game run ni Michael Jordan noong 1988-89.
Muling nagpakitang gilas si Snell matapos mailista ang career-high na 24 laban sa Sacramento noong Martes. Siya ay 9-of-11 para sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Nag-ambag si Joakim Noah ng 10 puntos, 15 rebounds at 7 assists, habang umiskor si Taj Gibson ng 13.
Sa pagkaka-sideline ni Love, kaunting tulong lang ang natanggap ni James. Nagtapos si Kyrie Irving na may 17 puntos at 6-of-18 mula sa field. Nagdagdag si Timofey Mozgov ng 13 puntos at 11 rebounds.
Lamang ng 7 sa halftime, nakuha ng Bulls ang unang 8 puntos sa third quarter upang iangat ang kanilang abante sa 63-48.
Nakagawa ng run ang Cavaliers sa hulihan ng period, nakadikit sa 8 matapos ang 3s ni James Jones sa closing seconds. Ngunit nag-drive pakaliwa si Rose at nalusutan ang dalawang defender para sa isang reverse layup bago ang buzzer, dahilan upang mag-ingay ang crowd at dalhin ang Chicago sa fourth quarter na may 87-77 bentahe.