PARANG isang paghamon ang sinabi ni Mayor Jun-Jun Binay sa Senado sa pagnanais nitong ipaaresto siya sa hindi niya pagharap dito matapos na ilang beses siyang pinadalhan ng subpoena. Laban ito ng Senado at Makati, wika niya, sa harap ng kanyang mga kapanalig na nagbarikada sa harap ng City Hall upang harangin ang pag-aresto sa kanya. Pero, nakahanda naman daw siyang pakulong kapag inaresto siya. Ang dinidiinan daw niyang isyu kung bakit ayaw na niyang siputin ang pagdinig ng senado ay dahil daw hindi patas ito at hindi iginagalang ang kanyang karaparatan lalo na sa due process. Nais niyang humingi ng listahan kung ano raw ang mga itatanong sa kanya ng mga senador para nakahanda siya sa pagsagot kung sakali man siya ay dumalo.

Ito ang problema ng alkalde nang dumalo siya sa subcommittee ng Blue Ribbon Committee nang unang dinggin nito ang umano ay overpriced na Makati City Hall at Parking Building. Hindi siya handa, pero ang hindi niya pagkahanda ay ang idepensa ang kanyang mga sagot sa mga naunang tanong sa kanya. Dahil ang mga sumunod na tanong lalo na iyong nagbuhat kay Sen. Allan Cayetano ay pagbubulaanan sa kanyang mga naunang sagot. Paano nga naman niya masasagot pa iyong itinatanong sa kanya na pinalalabas na mali o pagsisinungaling ang mga una niyang sagot eh may mga dokumento at ebidensiyang ginamit ang senador. Kaya, nang sumunod nang mga pagdinig sa kabila ng mga imbitasyon sa kanya ng komite, hindi na sumipot ang alkalde. Sumasagot naman daw siya ng magalang pero hinihiya siya ng mga senador sa kanilang pagtatanong. Hindi siya hinihiya kundi napahiya siya dahil nahuli siya sa kanyang mga pinagsasabi.

Humihingi si Mayor Binay sa mga senador ng paggalang sa kanyang karapatan sa due process. Hindi siya ang dapat magreklamo ng paglabag sa karapatang ito. Lahat ng pagkakataon ay ibinigay sa kanya para ibigay ang kanyang panig o panig ng kanyang ama na si VP Binay. Madaling niyang sabihin sa mga senador na mali ang ipinupunto nila sa kanilang mga katanungan. Ang mga ebidensiya ay nasa kanilang kamay, pero bakit niya sinayang ang pagkakataon? Maulit na nga ang sinabi ni Sen. Miriam Santiago na ang nagsasabi ng totoo ay higit na matapang pa sa leon. Hindi leon si Mayor Binay dahil ayaw niyang humarap sa senado at gamitin ang kanyang karapatan sa due process para ibigay ang kanilang panig sa isyu ng overpriced city hall at park building.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3