NOONG Huwebes sa pagdinig ng Senado, nakiusap si ex-Makati Vice Mayor Ernesto Mercado kay Pangulong Noynoy Aquino na iligtas ang Boy Scouts of the Philippines (BSP) laban kay Vice President Jejomar Binay na pangulo nito sa loob ng 20 taon. Ang BSP ay may dalawang milyong batang mag-aaral na miyembro. Kung baga sa tumatagibang na barko sa gitna ng dagat, isang SOS ang ipinadla niya kay PNoy.
Ang pakiusap niya ay nakalundo sa hangaring mapangalagaan ang BSP kaugnay ng maanomalyang land deal umano nito sa developer na Alphaland Corp. na labis ang pagkalugi ng BSP. Pinagkakitaan umano ni VP Binay ng P200 milyon na ginamit pa raw sa 2010 elections. Ayon sa dating Makati Vice Mayor at dati ring kadikit at kaalyado ni Binay na sobra ang pagtatampo o galit dahil sa hindi raw pagtupad ng VP sa pangakong siya (Mercado) ang gagawing kandidato sa pagka-mayor sa 2010, nagtamo si Binay ng P200 milyong kickback mula sa transaksiyon sa lupa ng Alphaland at BSP.
Kapwa itinanggi ng BSP at Alphaland na ang may-ari ay si ex-Trade Minister Roberto Ongpin noong panahon ni ex-President Marcos ang paratang ni Mercado. Pahayag pa ni Mercado na nang bumisita si Pope Francis, narinig niyang sinabi ni Lolo Kiko: “Stop corruption and protect the youth.” Bulong sa akin ng kaibigang palabiro ngunit sarkastiko: “Nakita mo ba yung ipinost ng mga netizen sa Facebook? Ibinaling at iniwas daw ni VP Binay ang kanyang mukha mula sa kinatatayuan ni Pope Francis nang manawagan ito sa mga opisyal ng gobyerno na talikdan ang katiwalian.” Tugon ko: “Eh ano naman ang masama roon baka natiyempuhan lang ng cameraman na nakabaling ang mukha ni VP?” Dagdag niya: “Mabagsik pa nga ang post sa FB ng iba. Baka raw nang halikan ni VP ang singsing ni Pope Francis, buti na hindi siya umusok.” Grabe naman ito!
Iwasan natin sana ang maging judgemental sa kapwa. Lahat tayo ay makasalanan. Ang mahalaga lang ay tanggapin na tayong lahat ay may pagkakamali, at itama ang mga ito. Sa mga senador, kongresista at mga punong-bayan, pakinggan ninyo si Pope Fancis at isauli sa bayan ang nakurakot na pera mula sa PDAF at DAP. Ora mismo!