GENERAL SANTOS CITY- Binalewala ng mga kaalyado sa pulitika at tagasuporta ni world boxing icon at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang mga panawagang suspendihin ito sa Kamara dahil palaging absent sa mga sesyon.
Sinabi ni Mayor James Yap ng Glan, Sarangani, na walang basehan ang mga panawagan na suspindehin si Pacquiao bilang kongresista dahil maraming mamamayan ng kanilang lugar ang nakikinabang sa mga programa at proyekto ng kampeon na boksingero.
Ang pahayag ni Yap ay bilang reaksiyon sa hamon ni dating Senador Rene Saguisag sa liderato ng Kamara de Representantes na suspindehin ito dahil madalas hindi nakadadalo ng sesyon sa Kamara.
Kinuwestiyon ni Yap ang karapatan ni Saguisag na igiit ang suspensiyon ni Pacman dahil hindi naman, aniya, residente ng Sarangani ang dating senador.
“Hindi naman alam ni Saguisag kung anu-ano ang mga programa at proyekto na ipinatutupad ni Congressman Pacquiao sa Sarangani,” iginiit ni Yap.
Sa kabila ng pagiging abala sa kanyang papel bilang kongresista, boksingero at playing coach sa Philippine Basketball Association (PBA), tiniyak ni Yap na sapat pa rin ang iginugugol na panahon ni Pacman para sa kanyang mga nasasakupan. (Joseph Jubelag)