PSC Chairman Ritchie Garcia elaborates on the achievements and projects of the PSC during the PSA Forum at Shakey's Malate.   Photo by Tony Pionilla

Nakahanda ang anim kataong Executive Board ng Philippine Sports Commission (PSC) na ipaliwanag at lantarang sagutin ang mga akusasyon at paratang na isinampa sa kanila sa Office of the Ombudsman ng Philippine Swim League.

“We welcome it. About time the issue on travel tax is answered,” sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Ricardo Garcia, na isa sa anim kataong sinampahan ng kasong “graft and corruption” dahil sa umano’y “gross ignorance, neglect and abandonment of duty”.

Kasamang sinampahan ng kaso ng PSL, sa anim na pahinang reklamo, ang mga PSC Commissioner na sina Atty. Jose Luiz Gomez, Salvador Andrada, Gilian Akiko Thomson-Guevara, Wigberto Clavecilla at ang PSC Executive Director na si Atty. Guillermo Iroy Jr.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang reklamo na isinampa sa isang joint complaint-affidavit ni dating Senador Anna Dominique Coseteng at Susan Papa, PSL president at delegation head ay nagsimula sa hindi pagbibigay suporta ng PSC sa partisipasyon ng PSL sa international swimming competitions.

Inireklamo nina Coseteng at Papa ang hindi pagtanggap ng PSC sa kanilang hinihinging tax exemption at travel orders para makasali sa torneo sa swimming sa Singapore noong Hunyo 2012 at sa Thailand nito lamang nakaraang Setyembre 2014.

Napag-alaman sa PSL na inatasan sila ng PSC na kumuha muna ng clearance sa Philippine Olympic Committee (POC) bago aprubahan ng ahensiya ang kanilang kahilingan.  

Ipinaliwanag naman ni Garcia na tanging mga lehitimong pambansang koponan lamang ang nakasaad sa batas na bumuo sa ahensiya ng PSC na karapat-dapat na gawaran ng travel tax exemptions kung magsasanay o lalahok sa mga internasyonal na kompetisyon sa labas ng bansa.

Ang kinikilala naman ng POC na lehitimong asosasyon sa swimming ay ang Philippine Swimming Incorporated (PSI) na pinamumunuan ni Mark Joseph.