MALUHA-LUHA Halos maluha sa saya sina Melanie Daduya (kaliwa) at Lyra Rose Santos (pangalawa mula sa kaliwa), kapwa residente ng Tondo, Manila, nang mapanalunan ang P15,000 grand prize sa Balita Bingo Pa-Premyo na ginanap sa Tondo Sports Complex sa Maynila noong Sabado. Kasama sa larawan ang program host na si Badette Cunanan (gitna), public relations manager ng Manila Bulletin Publishing Corp., at kanyang staff.  (Manny Llanes)

Labing-isang residente ng Tondo, Maynila ang nabiyayaan ng maagang Pamasko sa bingo Papremyo ng pahayagang Balita na idinaos nitong sabado sa Tondo sports Complex.

Nagtatalon at nagpalakpakan sa tuwa ang mga nanalo ng papremyo sa palaro, partikular ang dalawang ginang na naghati sa P15,000 cash na grand prize.

Pawang namumuro na ang mga residente sa game 10 ng pabingo nang ihayag ng mga host ng aktibidad na sina g. Ronnie Cruz at bb. Joy Reyes ang huling nabunot na numerong 27 sa letrang “I”.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kapwa sumigaw ng “Bingo Balita” sina Melanie Baduya at Lyra Rose Santos, na kumpirmasyong naka-blackout Bingo na sila. Pagkatapos suriin ng kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) kung balido at natatakan ang lahat ng numero sa Bingo card ng dalawa ay kinumpirma nang nanalo sila ng grand prize na P15,000.

Alinsunod sa tuntunin, kung nagkaroon ng tie sa papremyo ay magkakaroon ng tie breaker, gaya ng ginawa sa mga naunang Game. Gayunman, nagpasya sina Baduya at Santos na paghatian na lang ang papremyo upang walang umuwing luhaan sa kanila.

Ayon kay Baduya, 31, ng 1720 Genaro Vel, Tondo, gagamitin niya ang napanalunan sa pamimili ng Pamasko ng lima niyang anak.

Naikuwento rin niya sa Balita na kahit paano ay magiging masaya ang Pasko ng kanyang pamilya ngayong taon dahil sa pagkakapanalo niya, sa kabila ng kanilang pagluluksa sa pagkamatay ng kanyang 13-anyos na anak na lalaki, na ayon sa kanya ay pumanaw dahil sa pagkalusaw ng bato nito.

“Sayang nga po, eh, magpa-Pasko pa naman,” kuwento ni Baduya, tinukoy ang pagkamatay ng binatilyong anak.

Sa panig naman ni Santos, 28, ng 515 Mejorada St., Tondo, sinabi niyang gagamitin niya ang napanalunang P7,500 sa paghahanda sa Pasko.

Bukod kina Baduya at Santos, masaya ring nagsiuwi sa kanikanilang tahanan ang iba pang nanalo ng papremyo sa pa-Bingo ng Balita, na kinabibilangan nina Winnie Santos, na nakapag-uwi ng Kyowa emergency light with radio; Maria Sandatau, na nanalo ng Asahi stand fan; Adoracion Cinco, na may Standard automatic rice cooker; Joel Cabulano, na may Asahi automatic flat iron; Lydia Esteban, na nanalo ng two-burner gas stove; Cristina Carillo, na nag-uwi ng iba’t ibang grocery items at isang sako ng bigas.

Wagi rin sina Corazon Conrete, na nakapag-uwi ng Thompson 7” android tablet; Whowie Ponce, na may Skyworth 19” LED TV; at Jay Quimque, na nanalo naman ng Fujidenzo 3 cubic feet na refrigerator.

Inilunsad ang pa-Bingo dalawang araw bago ipagdiwang ang ika-43 anibersaryo ng Balita ngayong Lunes, Disyembre 1, 2014.

Nasa 200 residente ang dumalo sa pa- Bingo, na naging matagumpay sa tulong at suporta ni Barangay 5, Zone 1, District 1 Chairman Conrado Pangilinan.