Ni MiKE U. CRiSMUNDO
BISLIG CITY - “Suko na ako!” Ito ang inihayag ng team leader ng Squad 1 ng Platoon 1 ng Front Committee 14 ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA)-North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) nang walang kaabug-abog niyang pinasok ang headquarters ng 75th Infantry “Marauder” Battallion ng Philippine Army sa Barangay Maharlika sa Bislig City, Surigao del Sur para sumuko.
Tinatawag na Jonaide o Efren sa kilusan, muntik na siyang mapatay ng militar kung hindi niya agad na ipinahayag ang pagsuko sa gobyerno.
Patakbong pinasok ng dating opisyal ng NPA ang headquarters ng 75th IB at dumiretso sa administration building habang hinahabol ng mga security guard.
Agad niyang inilapag ang bitbit na AK-47 rifle na may pitong magazine at kargado ng bala sa mesa at sinabi, “Suko na ako, ‘di na nako kaya ang kalisod, tabangi ko ninyo sir (‘’Di ko na kaya ang hirap, tulungan n’yo ako, sir),” kuwento ni Capt. Joe Patrick Martinez, acting regional Army spokesman ng 4th Infantry.
Sinabi ni Martinez na sumuko ang dating rebelde dakong 7:00 ng umaga noong Nobyembre 15, 2014.
Ayon kay Martinez, sinabi sa kanya ni AKA Jonaide na nangako ang kilusan na magiging maayos ang buhay nito at ng pamilya nito kapag sumapi sa NPA.
Gayunman, ani Martinez, nagdesisyon ang dating rebelde na tumiwalag sa kilusan dahil sa napakarahirap umanong sitwasyon sa kabundukan.
“Nagutom siya, pagod na sa laging pagpapalipat-lipat ng lugar, walang permanenteng tirahan at ang malala, lagi nang natatakot na isang araw ay baka masakote sila ng militar dahil sa mga ilegal nilang ginagawa,” sabi ni Martinez, batay sa salaysay sa kanya ng dating NPA member.
Sumasailalim pa sa debriefing ang dating rebelde habang naghihintay ng ayudang pinansiyal at tulong pangkabuhayan mula sa gobyerno.