Sinuspinde ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang kontratista at isang consultant ng ahensiya dahil sa umano’y pagkakaantala ng mga proyekto.

Pinagbawalang makibahagi sa mga proyekto ng DPWH ng isang taon sina Crisostomo de la Cruz ng Crizel Construction and Concrete Products, Leodeqario Labao Jr. ng Kirskat Venture, at Noriel Christopher Tigalo.

Sa magkahiwalay na kautusan, sinabi ni Public Works Secretary Rogelio Singson na pinatawan ng one-year suspension sina De la Cruz at Labao dahil sa paglabag ng mga ito sa terms and conditions ng mga kontrata sa mga ipinatutupad na proyekto.

Ang Crizel ang nasa likod ng konstruksiyon ng mga silid aralan ng Damalaguing Elementary School sa Bukidnon habang si Labao ang kontratista sa upgrading ng Agmalubo-Mantog Road hanggang Basio Beach, Ivisan, Capiz.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinimulang ipatupad ang suspension order laban sa dalawa noong Oktubre 31, ayon sa opisyal.

Inilagay din sa blacklist ng DPWH si Tiglao, isang professional advisor sa Standard Cost Estimation and Updated Construction Technology dahil sa kabiguan nito na maisumite sa itinakdang deadline ang mga kakailanganing output dahil sa kapabayaan.

Base sa resulta ng imbestigasyon, natuklasan ng DPWH na nilabag ni Tiglao ang Republic Act 9184 dahil sa pagkabigo nitong kumpletuhin ang Standard Cost Estimation Manuals para sa mga proyekto sa kalsada, tulay at public bidding.