Hiniling kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco sa mga organizer ng Ms. Earth International pageant na huwag nang ituloy ang nakatakda nitong swim suit competition sa islandresort na umano’y pag-aari ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.
Sa sulat na ipinadala kina Ramon Monzon at Lorraine Schuck ng Carousel Productions, pageant organizer, sinabi ni Tiangco ang kanyang pangamba sa itinakdang event sa Nobyembre 23 hanggang 25 sa 100-ektaryang Coron Underwater Garden Resort.
“I have serious misgivings about the holding an international event in the controversial 100-hectare Coron Underwater Garden Resort in Palawan,” pahayag ni Tiangco.
Nagmamalasakit ang kongresista ng Navotas sa mga organizer para sa posibleng implikasyon ng pagsasagawa ng aktibidad sa esklusibong Coron resort.
“It may be wise for Carousel Productions to think over the holding of the Miss Earth 2014 event in the said resort in order to protect the reputation of the pageant and the Miss Earth franchise,” dugtong nito.
Inihayag ni Tiangco nabili umano ni Mercado ang nabanggit na resort mula sa ilegal na paraan at buhat sa umano’y bahagi ng itinatagong yaman ng dating bisealkalde ng Makati City.
Aniya, inamin ni Mercado na nakakuha siya ng tongpats noong siya pa ay bise-alkalde ng siyudad mula sa iba’t ibang proyekto at ang perang ginamit niyang pambili sa isla at pagpapatayo ng resort ay mula sa mga ilegal na komisyon.
Unang hiniling ni Tiangco sa Senate Blue Ribbon sub-committee at Bureau of Internal Revenue (BIR) na isailalim sa lifestyle check si Mercado at kanyang pamilya sa alegasyong nagmamay-ari ang mga ito ng prime property sa Pilipinas at ibang bansa.