Ni FREDDIE G. LAZARO
LAOAG CITY, Ilocos Norte – Inaasahang magdidilim sa buong Abra simula ngayong Lunes ng tanghali makaraang tapusin na ng nagsu-supply ng kuryente sa lalawigan, ang Aboitiz Power Renewables, Inc. (APRI), ang inamyendahan nitong Power Supply Agreement (PSA) sa Abra Electric Cooperative (Abreco).
Nobyembre 4, 2014 nang ipinaabot ng APRI ang termination notice nito sa Abreco, iginiit ang umano’y patuloy na kabiguan ng kooperatiba na mabayaran ang mga utang nito.
Patuloy pang bumabangon mula sa magkasunod na pananalasa ng bagyong ‘Luis’ at ‘Mario’ noong Oktubre, sinabi ng Abreco na hinihiling nito sa National Electrification Administration (NEA) at Department of Energy (DOE) na mamagitan sa usapin alang-alang sa kapakanan ng libu-libo nitong consumer.
“We will pay it but we are asking the supplier if we could pay it in trances or on a graduated basis,” sabi ni Abreco General Manager Loreto Seares Jr.
Sinabi ni Seares na habang nagsisikap ang kooperatiba na maresolba ang problemang pinansiyal nito, determinado sila “to hurdle all this by continuing to institute internal reforms they have started since last year, in the name of the consumers and the economy of Abra”.
Naghahanap ngayon ng pansamantalang solusyon ang Abreco—habang iginigiit na nasa P10 milyon na lang ang babayaran sa P16 milyon utang sa APRI—upang mapanatili ang supply ng kuryente sa lahat ng 303 barangay sa lalawigan.
Naideklarang nasa state of calamity ang Abra makaraang manalasa ang bagyong Mario at labis nitong naapektuhan ang ekonomiya ng probinsiya.
Ayon sa Abreco, umabot sa mahigit P16 milyon ang napinsala ng bagyo sa mga linya ng kuryente nito.
May 24 kilometro ng power distribution lines ang napaulat na napinsala, 150 poste ng kuryente ang nabuwal at iba pang mga gamit, gaya ng transformers, kilowatt hour meters, conductors insulators at line devices ang nasira.
Ang pagkukumpuni sa mga ito ang sumaid, anang Abreco, sa pondo ng kooperatiba.