Dadami ang aarangkadang e-trike at e-vehicle sa Metro Manila, partikular sa Mandaluyong City, sa mga darating na panahon.
Batay sa impormasyong nakalap ng Balita, isinulong ng Department of Science and Technology (DoST) ang ‘CharM’ o rapid charging e-vehicle station na likha ng University of the Philippines (UP)-Electrical and Electronics Engineering Institute at pinondohan ng Philippine Council for Industry, Energy at Emerging Technology Research and Development ng DoST.
Ayon kay Patrick Montero, senior science research specialist ng PCIEERD, 30 minuto lang sa halip na dating anim na oras ang pagkakarga ng kuryente sa baterya ang CharM, na inaasahang magiging operational sa katapusan ng 2014.
Nabatid na walang polusyon at maiiwasan ang sakit at makatutulong sa pangangalaga ng kalikasan ang paggamit ng sasakyang de-kuryente.
Napag-alaman din na kasalukuyang ipinupursige ng pamahalaang lungsod ang pagpapatayo ng mga “green building,” bilang hakbang laban sa masamang epekto ng climate change.