Lilikha ng kasaysayan si WBO junior flyweight world titlist Donnie “Ahas” Nietes sa ikalimang pagdepensa ng kanyang titulo kay Mexican Carlos Velarde sa Pinoy Pride XVIII: “HISTORY IN THE MAKING” card sa Nobyembre 15 Waterfront Cebu City Hotel and Casino.

May kartadang 33-1-4 (win-loss-draw) na may 19 panalo sa knockouts, malalagpasan ni Nietes ang rekord ni dating junior lightweight champion Gabriel “Flash” Elorde na pitong taon at tatlong buwan kung matatalo niya ang WBO No. 5 na si Velarde na may rekord naman na 26-3-1 (win-loss-draw) na may 14 pagwawagi sa knockouts.

Bukod sa WBO title, itataya rin ni Nietes ang kanyang Ring Magazine flyweight title kaya nangako siyang gagawin ang lahat ng makakaya para mapanatili ang kanyang korona.

“Kailangan talagang manalo ako hindi lamang para malagpasan ang rekord ng idolo kong si Flash Elorde kundi para na rin sa buong sambayanang Pilipino,” sabi ni Nietes sa Balita.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa undercard ng laban, itataya ni IBF Intercontinental super bantamweight titlist “Prince” Albert Pagara ang kanyang korona laban kay dating world champion Raul Hirales ng Mexico na gustong maagaw ang kanyang IBF No. 10 at WBC No. 15 rankings.

Kakasa naman si Milan “El Metodico” Melindo laban kay Mexican Saul Juarez sa IBF light flyweight eliminator, samantalang magbabalik sa ring si dating WBO 105 pounds champion Merlito “Tiger” Sabillo laban kay dating Indonesian minimumweight ruler Farris Nenggo.