Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

4 p.m. – IEM vs FEU

6 p.m. – Army vs Cagayan

Metro

Lalaki, pinagsasaksak sa dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court

Nabura ang dalawang set na kalamangan ng PLDT Home Telpad ngunit nakabawi naman sa decider set upang pataubin ang Meralco sa isang dikdikang 5-setter 25-20, 25-14, 22-25, 16-25, 17-15 at manatiling nasa kontensiyon para sa huling finals berth ng women’s division ng Shakey’s V –League Season 11 Foreign Reinforced Conference noong Martes ng gabi sa Fil-Oil Flying V Arena sa San Juan City.

Nanguna si Gretchel Soltones, pinunan ang puwang na naiwan ng kanilang top hitter na si Suzanne Roces, nang magtala ng 28 hits habang nag-ambag naman si dating NCAA MVP Lou Ann Latigay ng 21 puntos para iangat ang kanilang koponan sa barahang 2-2 (panalo-talo) para sa solong ikatlong puwesto sa likuran ng pumapangalawang Cagayan Valley na may 2-1 kartada.

Namuno naman para sa napatalsik na Power Spikers si Thai import Wanida Kotruang na nagposte ng 19 hits kasunod sina Stephanie Mercado at Maica Morada na nagtarak ng 15 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Ang kabiguan ang ikalimang sunod para sa Meralco.

Una rito, muling ginapi ng Instituto Estetico Manila ang Rizal Technological University (RTU), 25-14, 25-22, 25-16, para palakasin ang kanilang finals drive sa men’s division.

Nagsalansan ng 13 puntos si Jeffrey Jimenez habang nag-ambag naman ng tig-7 puntos sina Jason Canlas, Eden Canlas at Karl dela Calzada para sa nasabing panalo ng Volley Masters na tumabla sa Systema Active Smashers sa liderato sa kartadang 3-1 (panalo-talo) ng double-round eliminations ng season-ending conference na ito na itinataguyod ng Shakey’s at suportado ng Mikasa at Accel.

"We're a step away from our goal, which is to make the finals first and hope for the best from there,” ani Instituto coach Ernesto Balubar.

Samantala, pormal na makopo ang unang finals berth sa women’s division ang tatangkain ng wala pang talong Philippine Army (PA) sa kanilang pagsagupa sa Cagayan Valley sa tampok na laro sa ganap na alas-6:00 ng gabi.