Tiyak na ikinabigla ng marami ang dalawang nakapanggi-gilalas na ulat na naging tampok sa pagsisimula ng taunang bar examinations sa University of Sto. Tomas (UST): Ang bulag na bar examinee na si Christopher L. Yumang; at isa pang 88-anyos na law graduate na si Bienvenido Hilario. Kapuwa sila naghahangad na maging mga ganap na abogado, tulad ng 6,344 law graduate na makikipagsapalaran din sa nabanggit na pagsusulit na pinamamahalaan ng Supreme Court (SC).
Maliban kung sadyang humihina na ang aking memorya, wala akong natatandaang bulag na law graduate na kumuha ng bar exams. Sa pagkakataong ito, si Yumang, na nagtapos ng abugasya sa University of Baguio, ay pinahintulutan ng SC na umeksamin sa pamamagitan ng isang stenographer. Hindi siya gagamit ng Braille; sa halip, ang kanyang mga sagot sa bar questions ay ididikta niya sa nabanggit na kawani ng SC. Dito mababakas ang matinding determinasyon ni Yumang na maging bar member sa kabila ng kanyang kapansanan. Isipin na lamang na sa panahon ng kanyang pag-aaral, matiyaga niyang binabagtas sa pamamagitan ng tungkod ang mga kalye patungo sa Northern Luzon Association for the Blind (NLAB) upang dalhin lamang ang mga law book upang isalin sa Braille. Ang ganitong pagsisikap ni Yumang ang hinangaan hindi lamang ng kanyang mga kamag-aral kundi maging ng kanyang mga propesor. Hindi niya kinasangkapan ang kanyang pagiging bulag upang pag-ukulan lamang ng special treatment sa klase. Sa bahaging ito, bigla kong nagunita ang isang bulag na lumahok sa isang literary contest sa isang unibersidad sa Metro Manila. Naging bahagi ng kanyang nagwaging lahok ang isang sanaysay na may ganitong buod: Narinig ko sa sangkatauhan ang pagkakalikha, kagandahan at kababalaghan ng daigdig; huni ng mga ibon, hampas ng alon at haplos ng hangin sa kagubatan – subalit hindi ko kailanman nasilayan ang hiwaga ng mga ito sapagkat ako ay isang sawimpalad na bulag.
Sa kabilang dako, sino ang hindi hahanga kay Hilario – isang nonagenarian sa hanay ng libu-libong bar examinee. Pinatutunayan niya na hindi hadlang ang edad sa pagtuklas ng mas mataas na edukasyon – upang maging isang abogado.
Ang kagila-gilalas na pagsisikap nina Yumang at Hilario – at maaaring may iba pa – ay marapat lamang pamarisan ng bagong henerasyon.