Naunsiyami sa unang pagkakataon ang mga Pilipinong boxer na makapaguwi ng gintong medalya matapos na lumasap ng kabiguan ang natitira at inaasahang si Charly Suarez kontra kay Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia sa finals ng Men’s Lightweight (60kg) sa pagtatapos ng 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Agad na kinapitan ng Mongolian ang 2-0 abante sa unang dalawang round matapos itala ang parehas na 9-10, 10-9 at 10-9 iskor bago na lamang nagpilit si Suarez na maagaw ang panalo sa ikatlo at huling round sa pagtatala ng 10-9, 10-9 at 10-9 iskor.

Gayunman, hindi na nakaabot pa ang huling atake ni Suarez matapos itong tuluyang lumasap ng 27-30, 29-28, 29-28 iskor sa talaan ng mga hurado upang mabigong dagdagan ng gintong medalya ang kampanya ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay mayroon pa lamang na isang ginto ang Pilipinas mula sa BMX rider na si Daniel Patrick Caluag kasama ang dalawang pilak at siyam na tanso para sa pangkalahatang ika-22 puwesto.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Habang sinusulat ito ay nakuha naman ng taekwondo jin na si Kirstie Elaine Alora ang bronze medal sa Women-73 event.

Tinalo ni Alora ang nakalaban mula Mongolia na si Rima Abdel Karim Ibrahim Ananbeh, 3-2, bago yumukod kay Seavmey Sorn ng Cambodia sa semifinals, 5-6.

Una nang nabigo ang iba pang taekwondo jin na sina John Paul Lizardo at Francis Aaron Agajo, gayundin ang karatekas na sina Ramon Antonino Franco, Princess Dianne Sicangco, Mae Soriano at Joanna Mae Ylanan.

Samantala, nabigo sa kaduda-dudang desisyon sa mga hurado ng Amateur International Boxing Association (AIBA) ang tatlong boksingero na sumabak noong Huwebes.

Nalasap ni London Olympian Mark Anthony Barriga ang unanimous decision loss sa men’s light flyweight (46-49kg) kontra kay Jonghun Shin ng host Korea.

Walang round na naipanalo si Barriga mula sa limang judges 28-29, 27-30 at 28-29 bagamat sinasabing mas nakalamang sa suntok ang Pinoy.

Gayundin ang sinapit ni Mario Fernandez nang mabigo via unanimous decision sa men’s bantamweight (56kg) kontra sa binugbog nitong kalaban na si Jiawei Zhang ng China, 0-3 (28-29, 28-29 at 28-29).

Bagamat nakipagsabayan sa men’s middleweight (75kg), naunsiyami rin si Wilfredo Lopez sa pinaulanan nito ng suntok na si Odai Riyad Adel Alhindawi ng Jordan, 29-28, 28-29 at 29-28.

Sa kabilang dako, nadagdagan pa ang insentibo ng BMX rider na si Daniel Patrick Caluag mula sa tinanggap nitong P1 milyon sa Philippine Sports Commission (PSC).

Ito ay nang magbigay ang LBC Sports, sumusuporta kay Caluag, ng P100,000 habang P500,000 ang MVP Sports Foundation dahil sa ibinigay nitong natatanging gintong medalya ng Pilipinas.

Ang P1 milyon insentibo ni Caluag ay mula sa Republic Act 9064 o ang batas na nagbibigay insentibo sa pambansang atleta na magwawagi ng mga medalya sa internasyonal na torneo.

Dumating sa bansa ang magkapatid na sina Daniel at Christopher John Caluag kasama ang coaches na sina Gregory Romero at Chris Allison noong Huwebes ng gabi. Dumalo sa pagbibigay ng insentibo si Cavite City Representative Abraham “Bambol” Tolentino.