Pinasadsad ng University of the Philippines (UP) ang De La Salle University (DLSU) upang tanghaling bagong kampeon sa UAAP Season 77 poomsae event ng taekwondo competitions na ginanap sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Tumapos ang Lady Maroons at Lady Archers sa medal tally na may tig-2 gold at tig-1 silver at bronze ngunit nakamit ng Diliman-based jins ang titulo sa bisa ng mas mataas nilang quotient na 13 puntos.

Napanalunan nina Dustin Jacob Mella at Janna Oliva ng UP ang mixed pair gold matapos makakuha ng 7.81, kumpara sa 7.73 ng La Salle at 7.69 ng UST.

Kasunod nito ay nakipagtambal si Oliva kina Anna Franchesca Torres at Cyrmyr Perlas para mamayani sa women’s team event sa iskor na 7.79 kung saan ay tinalo nila ang UST (7.70) at Far Eastern University (FEU) na may 7.69 puntos.

Eleksyon

Atty. Kiko, pinasalamatan si Sharon sa walang patid na suporta

Nagwagi naman para sa Lady Archers ang Cebuana na si Rinna Babanto, gold medal winner sa World Poomsae Championships noong nakaraang taon at sa World Taekwondo Hanmadang may dalawang buwan na ang nakararaan sa women’s individual poomsae, matapos makakuha ng iskor na 8.29.

Tinalo niya para sa gold sina Lady Tamaraws Juvenile Faye Crisostomo (8.12) at Tigress Jocel Lyn Ninobla (8.10).

Nanggaling naman ang isa pang gold ng Lady Archers kina Raphael Mella, Sidney Lopez at Justin Andal na nagtala ng 7.75 para pangunahan ang men’s team poomsae kung saan ay inungusan nila ang UST (7.59) at UP (7.59).

Nakuha naman ng inaugural champion UST ang isang gold sa pamamagitan ni Vidal Marvin Gabriel sa men’s individual poomsae sa iskor na 8.29 kung saan ay tinalo niya ang naging kakampi sa nakaraang taong Asian Poomsae Championships na si Dustin Mella ng UP (8.16) at Raphael Enrico Mella ng La Salle (8.12).

Tumapos naman na ikatlo ang Tigers na may naiuwing 1 gold at tig-2 silver at bronze medals.

Pumang-apat naman ang Tamaraws na may 1 silver at 1 bronze habang kapwa naman walang naiuwing medalya ang National University (NU) at Ateneo.