Matapos ibasura ng Sandiganbayan First Division ang walong graft case laban sa kanila na may kaugnayan sa pork barrel scam, humirit si Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos at kanyang staff na ibasura rin ang iba pang kaso ng katiwalian laban sa kanila.
“If there is no evidence to warrant even the indictment of an accused, the State has the duty to ensure that the innocent be immediately freed from the travails of a protracted criminal trial,” pahayag ng mga abogado ni Relampagos at kanyang staff na sina Rosario Nunez, Lalaine Narag Paule and Marilou Bare sa kanilang apela sa First Division.
Hiniling din ng kampo ng depensa sa korte na resolbahin kung mayroon ngang sapat na dahilan upang ipursige ang iba pang kasong katiwalian laban sa kanila.
Kasamahang kinasuhan ni Relampagos at kanyang staff si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ng 16 counts of graft dahil sa pagpoproseso ng Special Allotment Release Order (SARO) upang mailaan ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mambabatas sa mga ghost project ng itinuturing na mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Sa ngayon, ibinasura ng First Division ang eight counts of graft laban kay Relampagos at kanyang staff dahil walang nakitang lagda ang undersecretary sa ano mang dokumento ng SARO na tinutukoy sa mga kaso.
Bagamat sinabi ni whistleblower Benhur Luy na ang tanggapan ni Relampagos ang contact ni Napoles sa DBM, iginiit ng mga abogado ng mga akusado na hindi dapat balewalain na walang direkta at malinaw na ebidensiyang nakita sa mga record na magpapatunay na ang mga ito ay nakipagkutsabahan sa paghahanda at pagpapalabas ng SARO.
Iginiit din ng mga abogado ni Relampagos na hindi ito lumagda sa mga SARO dahil hindi ito available sa mga panahong iyon.