Ni JC BELLO RUIZ

Binalewala ng Malacañang ang lumolobong suporta sa “One More Term” at “Re-Elect PNoy” movement sa social media site Facebook na humihiling ng isa pang termino para kay Pangulong Aquino.

Ipinagkibig-balikat lamang ng Palasyo ang dumaraming netizen na humihiling na payagan uli na tumakbo sa pagkapangulo si PNoy dahil sa magagandang nagampanan nito para sa bayan nitong nakaraang apat na taon.

Umabot na sa apat na milyon ang mga tagasuporta ng “One More Term,” “Re-Elect PNoy for President,” at “Noynoy pa rin” na ipinaskil sa “Noynoy Aquino (PNoy),” ang official Facebook site ng Pangulo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Mr. President, we seek and hope for you to run for another term please.. the country desperately needs a true leader like you so please Mr. President.. we highly support, adore and salute you. Mabuhay!,” ayon sa ipinaskil ni Dunstin Gina Roa sa Facebook.

Bagamat alam niya na limitado ang termino ng isang pangulo sa anim na taon tulad ng nakasaad sa Konstitusyon, sinabi ni Rogelio Quiambao na kung kaya ng mga Pinoy na magpatalsik ng isang lider ng bansa, may kapangyarihan din ang mga ito na panatiliin ang kanilang pangulo.

Subalit ilang ulit nang inihayag ni Pangulong Aquino na wala na siyang planong palawigin pa ang kanyang termino.

“Yes the President has made it clear that he has no plans of extending his term. It is perhaps a manifestation of the people’s continuing support for the President,” ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte.

Sa idinaos na “Daylight Dialogue” forum sa Malacañang kamakailan, nanawagan si Aquino sa mga Pinoy na magsuot ng dilaw ng laso bilang pagpapakita na patuloy ang kanilang suporta sa administrasyon sa gitna ng kinahaharap nitong kontrobersiya sa Disbursement Acceleration Program (DAP).